Nasawi ang isang babae at kanyang anak habang sugatan ang kanyang live-in partner at dalawa pa nilang supling nang sumalpok ang kanilang kotse sa isang puno sa Sorsogon City kagabi.
Dead on arrival sa magkaibang pagamutan si Mary Grace Callos, 29, at ang menor de edad niyang anak na si “Yanyan,” sabi ni Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang kinakasama ni Callos na si Ryan Delgado, 31, at mga bata rin nilang anak na sina “Esay” at “Butchoy,” aniya.
Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Abuyog dakong alas-7 ng gabi.
Minamaneho noon ni Delgado ang Honda Civic (UUE-787) mula Brgy. Casili, bayan ng Gubat, ani Calubaquib.
Lumabas sa imbestigasyon na habang dumadaan sa isang kurbada ay nawalan ng kontrol sa manibela si Delgado kaya sumalpok ang kotse sa isang puno ng mangga sa gilid ng highway, aniya.