Bangka tumaob; 1 patay, 1 nawawala, 20 nailigtas

camarines
Isang lalaki ang nalunod habang 20 pa katao ang naligtas at isa ang nawawala matapos na tumaob ang isang bangka na bahagi ng medical mission, sa dagat na malapit sa Sipocot, Camarines Sur, kagabi, ayon sa pulisya.

Natagpuan ang labi ni Reynante Calayo sa dalampasigan ng Brgy. Anib dakong alas-12:20 ng madaling-araw kahapon (Huwebes), sabi ni Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Nawawala pa kahapon ang timon ng bangka na si Artemio Sabalbero, aniya.

Naligtas naman sina Virgel Mark Baldoza, Joana Mae Alemania, Chito Peña, Jamir Abejuela, Cherry San Joaquin, Jay Candelaria, Renne Nebria, Jay Marbella, Leah Artiaga, Mariel Alemania, Dennis Oliva, Mary Grace Genio, Francis Louie Ramos, Orly Consulta, Arquimedes Dolor, Marlon Sto. Domingo, Virgil Francisco, Jojo Saberon, Myel Faith Navarroza, at John AiraTarvovin.

Naganap ang insidente sa bahagi ng dagat na malapit sa Brgy. Anib dakong alas-7 ng gabi.

Napag-alaman na ang mga biktima’y sakay ng motorized banca mula Brgy. Mangga patungong Brgy. San Vicente, para magsilbing “advance party” sa medical mission ng lokal na pamahalaan ng Sipocot at ni Rep. Rolando Andaya Jr.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na mahangin at maalon ang dagat noon kaya ito tumaob at lumubog, ani Calubaquib.

Nagtutulungan ang mga elemento ng PNP Maritime Group at Coast Guard sa paghanap sa nawawalang boat operator, aniya.

Read more...