HABANG pahinga muna ng dalawang linggo ang 2016 PLDT Home Bro Ultera Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference ay pinagtutuunan ng pansin ng PSL ang pagbuo ng koponang isasabak sa Thai-Denmark Super League women’s volleyball sa susunod na buwan sa Bangkok.
Sinabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara kahapon na ang PSL Selection ay igigiya ni Petron coach George Pascua na isa sa pinamahuhusay na batang coach sa bansa. Pinamunuan niya ang Tri-Activ Spikers sa dalawang sunod na titulo kabilang ang impresibong 13-0 sweep sa 2014 All-Filipino Conference.
Nakatakdang ihayag ni Pascua ang kanyang pinal na komposisyon sa Linggo matapos ang “by invitation try-out.” “I have no idea on who he will select, but rest assured that it’s going to be a fighting team,” sabi ni Suzara.
Sa naturang torneyo sa Thailand ay makakasagupa ng Pilipinas ang anim na koponan mula sa host country at isang koponan mula Hong Kong. Ipinaliwanag ni Suzara na ang tagumpay ng Thailand Super League ang magpapasimula sa pagbubuo ng Southeast Asian Club Tournament na may home-and-away format bago matapos ang taon.
Ang Pilipinas at Thailand ang pangunahing tagapagtaguyod ng plano habang ang Vietnam at Indonesia ay nauna nang nagpasabi ng kanilang suporta. Naisagawa na ng PSL ang parte nito sa pag-iimbita nito ng club team mula Thailand na darating sa bansa sa Abril 7 upang sumali sa ginaganap na Invitational Cup.