Kaawa-awang Maynila

SA Maynila naganap ang ilang importanteng pangyayari sa aking buhay kaya nalulungkot ako sa mga nangyayari sa lungsod.

Sa Maynila ang pasyalan ng aming pamilya noong ako’y bata pa, sa Maynila ako nag-aral ng Kolehiyo, sa Maynila ko rin nakilala ang aking may-bahay at sa Maynila rin kami ikinasal.

Ilan lamang iyan sa mga importanteng pangyayari na nag-uugnay sa akin sa Maynila.

Makalipas ang halos ay isang dekada, balik sa dating marumi, may amoy at puno ng mga batang-kalye ang paborito kong lungsod.

Nanghihinayang ako dahil wala ring nagbago sa noo’y mga ipinangako ni President-Mayor Erap Estrada.

Pumunta kayo ng Maynila at malalaman n’yo ang sinasabi ko.

Isa lang ang napansin kong bago, ‘yung Lacson underpass na pinamamahalaan na ngayon ng isang pribadong korporasyon.

Okay na sana pero pagdating ng gabi ito’y isinasara kaya napipilitang tumawid sa delikadong Quezon Blvd. ang pedestrian.

Isang araw ay baka magising ang mga Manileno na pati ang City Hall ay naibenta na rin at under na ng isang private corporation tulad ng maraming palengke sa lungsod.

Noong araw ay libre ang check-up sa mga ospital na pinatatakbo ng city government, ngayon may bayad na at P200 kada konsulta.

Sa puntong ito ay tama ang slogan ni Cong. Amado Bagatsing na ang kailangan ay serbisyo at hindi perwisyo.

Yung dating Mayor naman na ayaw pa ring magretiro kahit “retireable” na ang kanyang age, banat dito banat doon samantalang pareho lang naman sila ng kasalukuyang administrasyon.

Ang latest ay isang dating pulitiko ang nakikipag-usap sa ilang Chinese businessmen at siya na raw ang bahalang umareglo sa mga taga-City Hall sa kung anuman ang kanilang magiging problema pero sa tamang-halaga.

Walang pinagkaiba sa dating administrasyon na puro sarili ang inuuna.

Kilala ang pulitikong ito na dati ring sikat mula pa noong panahon ni dating Pangulong Marcos, babaero daw pero alanganin naman….tawagin na lang natin siyang si Former Legislator M…as in Maparaan.
Para sa komento o reaksyon, mag-text sa 09178052374 o kaya ay mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...