Lasing lasog sa granada

bulacanMalubhang nasugatan ang isang lalaki nang masabugan ng granadang kanyang pinaglaruan habang lasing, sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan, kamakalawa (Linggo) ng hapon, ayon sa pulisya.

Nagtamo ng pinsala sa iba-ibang bahagi ng katawan si Randy Sayson, 38, kaya isinugod sa Norzagaray Hospital, ayon sa ulat ng Bulacan provincial police.

Naganap ang pagsabog sa loob ng bahay ni Sayson sa Brgy. Sapang Bulac dakong alas-5:45.

Lumabas sa imbestigasyon na may hawak na granada sa kamay si Sayson at mayroon ding nakasabit sa kanyang baywang.

Habang lasing ay sadyang inalis ni Sayson ang pin ng hawak na granada kaya ito sumabog, ayon sa ulat.

Narekober naman kay Sayson ang isa pang granada, kalibre-.38 revolver, improvised na kalibre-.22 baril, apat na bala, at isang basyo.

Dahil dito’y hinahandaan na ng lokal na pulisya ng kaso si Sayson.

Read more...