PH cyclists kinapos ng 14 puntos para makalahok sa Rio Olympics

BUTUAN City — Lumampas sa palad ng Pilipinas ang pagkakataon ng mga Pilipinong riders na makalahok sa Rio de Janeiro Summer Olympics sa Agosto.

Ito ay matapos na kapusin lamang ng 14 puntos sa kailangang Olympic qualifying points para makasali sa road race event ng sport na cycling.

Ito ang napag-alaman kay Moe Chulani, manager ng national cycling team, sa pagtatapos nito lamang nakaraang linggo sa itinakdang panahon para sa lahat ng siklista sa buong mundo na makapagtipon ng kani-kanilang puntos para mapataas ang kanilang rankings sa Union Cycliste International (UCI), ang international cycling federation.

“We fell short by 14 points to qualify at least two riders in the road race in the Olympics,” sabi ni Chulani. “It needs only a podium finish but we failed to attain our goal.”

“Nakakapanghinayang ang nawalang tsansa ng Pilipinas na makapagkuwalipika ang mga siklista nito sa nalalapit na 2016 Rio de Janeiro Olympics,” sabi ni Chulani.

Matatandaang may dalawang opsyon ang tsansa ng Pilipinas na makatuntong sa Olimpiada sa pamamagitan ng pagtipon ng individual Olympic qualifying points pati na rin sa overall standing nito sa national ranking sa lahat ng mga miyembro nitong bansa.

Kasalukuyan pa naman na hinihintay ang opisyal na ranking na nakatakdang ihayag sa huling araw ng Pebrero.

Hindi pa naman kasama sa pinakahuling tsansa ng Pilipinas ang sitwasyon ng mga Fil-Am rider na sina Sienna Fines at ang Asian Games gold medalist na si Daniel Patrick Caluag.

Ang 17-anyos na si Fines na inirerepresenta ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa ika-20 puwesto sa natipon nitong kabuuang 160 puntos sa likuran ng nangunguna na si Axelle Etienne ng France na may 795 puntos.

Wala naman sa overall ranking si Caluag na matatandaang huling sumulat sa Philippine Sports Commission upang ipasabi na ilipat na lamang ang inilaan ng ahensiya na pondo para sa pagsasanay nito upang makapagkuwalipika sa kada apat na taong torneo.

Read more...