MARAMI pa hanggang ngayon, sa panahon ng kampanya, ang naliligaw at mapanlaban, itinatanggi ang katotohanan at mas lalong nagiging mapanlait, sa halip na maging mapagmahal. Pagninilay sa Ebanghelyo (Jon 3:1-10; Slm 51:3-4, 12-13, 18-19; Lc 11:29-32) sa kapistahan ng pitong tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria, sa unang linggo ng Kuwaresma.
Hindi magkamayaw, at mainit ang pagtanggap, ng mga taga-Bagong Silang, Caloocan (ang pinakamalaki at mataong barangay sa buong bansa) nang dumating si Sen. Bongbong Marcos noong Miyerkules ng umaga. Halos mahubad ang dalawang kamiseta ni Bongbong, hanggang sa palitan na niya ito ng ikatlo, dahil hindi nga mapigilan ng security ang paglapit ng taumbayan sa anak nina FM at Imelda.
Sa Barangay Hall, hindi na nagtalumpati si Bongbong at puro pasasalamat na lamang dahil ilan sa matatanda’y umiyak pa. Tumanaw ng malaking utang na loob ang isang matanda at sinabing, kung di dahil kay First Lady Imelda ay walang Bagong Silang ngayon. “Heto ang anak, magpasalamat tayo,” anang matanda.
Ayon sa “Bagong Silang Project” ng National Housing Authority, resettlement area ang Bagong Silang. Pero, ayon kay Imelda, ito’y human settlement area dahil dito nagkalupa’t bahay ang mga pulis at sundalo noon, at maging ilang presidential guards. Inabutan ng EDSA at hindi na naialis ang pangalang “resettlement area.” Nang mawala ang mga Marcos, naging pugad na ito ng krimen at droga. Hanggang ngayon.
Ang napakainit na pagtanggap kay Bongbong ay kabaligtaran ng pagtanggap kina Leni Robredo at Shalani Soledad, na isinusulong ang asawang si Romulo. Malamig at dedma. Magiging mainit ba ang pagtanggap ng Bagong Silang kay Digong Duterte? Nasa Bagong Silang ang dalawang pugad ng shabu, ang Balwarte at Phase 7, na dalawang pulis at isang NBI agent ang napatay nang pasukin nila.
Noong pumutok ang EDSA 1 noong 1986, ako’y 12 taon na sa pamamahayag (10 sa pahayagan at dalawang taon sa national mag), at patawid-tawid sa Crame’t Aquinaldo. Kung bakit wala na ang diwa ng EDSA ngayon ay hindi naman pinaghirapan ni Corazon Aquino ang pag-aalsa kontra Marcos. Si Aquino ay iniluklok lamang nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos, sa kabila ng mayorya ng RAM ay ayaw dito. Ito namang si Aquino, pagdating sa Amerika ay sinabi niya sa Kongreso na pinaghirapan daw niya ang pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas. Hindi totoo iyan!
Kung ibinigay lang ni BS Aquino, apo sa dulo ng Kalibaping si Benigno Aquino, ang P2,000 umento sa SSS pensioners, disin sana’y may inaasahang mahigit tatlong milyon boto sa mga pensiyonado’t pamilya si Mar Roxas. Sinumang manukin ni BS Aquino sa Mayo ay inaabangan ng mga pensiyonado’t pamilya. At hindi nila siya iboboto. Hindi spent shell ang mga pensiyonado (pumuputok pa nga sila).
Kung may pinag-aralan si Manny Pacquiao, di niya ikukumpara ang mga bakla sa hayop. Kung sakaling may pinag-aralan siya, sana’y alam niya kung saan at paano ginagamit, at pinakikinabangan, ang critical thinking at critical perception. Kaya nga inihiwalay ng Diyos ang utak (mataas) sa bunganga (ibaba). At trip pa niyang maging senador (sana’y sinabi na lang niya na kontra siya sa same sex. Yan ang problema kapag ang Biblia ay ipinaliwanag ng walang alam at basbas)?
MULA sa bayan (0916-5401958): Napakabilyonaryo pala ni Cong. Edgar Erice. Bakit ayaw niyang bigyan ng pera ang mahihirap sa North Caloocan? Dahil sa kahirapan, holdaper at tulak na ang ilan sa kanila. Kaya ni-raid ang Sampaloc. …9980, ng Durian st., Camarin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
