NAKATUTOK sa inaasam nitong Olympic qualifying points ang Frenchman na si Thomas Lebas na bibitbitin ngayong umaga ang 74 iba pang siklista sa pagdepensa ng kanyang korona kasama ang Japan-based Bridgestone Anchor Cycling Team sa pagsikad ng apat na araw na Le Tour de Filipinas.
Suot ang race jersey No. 001 bilang defending champion ay sisimulan ni Lebas na biguin ang hamon ng 74 iba pang siklista na irerepresenta ang 12 dayuhang koponan at tatlong homegrown kabilang na ang Continental at National Team na 7-Eleven SAVA RBP at Team Cebu Kopiko Philippines.
Agad na tatahakin sa Stage One ng mga siklista ang paliko-liko at nakakalitong mga kalsada matapos lamang ang seremonya sa Sumulong Park sa harap mismo ng Antipolo City Hall at Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage ang ruta na tinatawag na Metro Manila backdoor sa Antipolo tungo sa Lucena City.
Ang mga koponan ay binubuo ng Team Novo Nordisk (USA), Kinan Cycling Team (Japan), Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Hsyport Look Cycling Team (China), Team Ukyo (Japan), Dutch Global Cycling Team (Holland), Vinno 4-Ever Sko (Kazakhstan), Attaque Team Gusto (Chinese Taipei), Skydive Dubai Pro Cycling Team (UAE), LX-IIBS Cycling Team (South Korea) at Oliver’s Real Food Racing (Australia). May kabuuang 153.53 kilometro ang Stage One na dadaanan ang alon-alon na kalsada ng Antipolo City tungo sa mapanghamong mga eskinita ng Lucena City.
Ang Stage Two sa Biyernes ay mula Lucena City tungo sa Daet na dadaanan ang Sierra Madre mountain range para sa 204.82 kilometrong distansiya at ang Stage Three sa Sabado mula Daet hanggang Legazpi City sa Albay ay may 185.79 kilometro.
Iikutin naman ng mga riders ang hinahangaan na Mayon Volcano ng dalawang beses sa Linggo sa Legazpi-Legazpi 160.20 kilometro na panghuling lap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
