BINATIKOS na rin ng award-winning TV host na si Boy Abunda ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao matapos nitong sabihin na mas masahol pa sa hayop ang mga bading at tomboy.
Isa si Boy Abunda sa mga kinikilalang lider ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community at alam naman ng buong mundo na matagal na silang nagsasama bilang partners in life ni Bong Quintana.
Sa Tonight With Boy Abunda nitong Martes ipinagdiinan ng gay TV host na walang karapatan si Pacman na husgahan o kondenahin ang mga miyembro ng LGBT.
“I take full responsibility for what I’m about to say. Akin lamang po ito. Sinabi ni Manny Pacquiao na common sense, common sense lamang daw po dahil wala naman tayong nakikitang mga hayop na bakla o lesbiyana.
“At dahil wala naman daw tayong nakikita, mas mabuti pa ang mga hayop dahil alam nila ang lalaki at saka ang babae. Kaya mas masahol pa ang tao sa hayop.
“Alam niyo po, hindi ko po alam kung ano ang pamantayan niya ng sinasabi niyang tao. Kung ang tao ay nananakit, kung ang tao ay nangyuyurak ng karapatan ng ibang tao, e, gugustuhin ko na pong maging hayop.
“Kung ang ibig sabihin po ng hayop ay gumagalang, ang ibig sabihin ng hayop ay nagmamahal, then I am an animal,” anang TV host.
Pagpapatuloy ni Boy, “Alam niyo po, sometime in 2012, ako’y nagsalita in defense of Manny Pacquiao.
“Dahil in one of his interviews with Associated Press, nagbitaw siya ng mga salita at sinabi niya, ‘I do not condemn gays. Meron akong pamangkin, meron akong pinsan, meron akong mga kaibigan, kamag-anak. But I don’t condemn them, but I am against same-sex marriage.’
“Sabi ko, iginagalang ko ang opinyon nito because in this world, there is space for respectful, vibrant debate. Kanya-kanya tayo ng opinyon. So, sabi ko, iginagalang ko ang kanyang opinyon.
“Remember, Manny Pacquiao is considered or was considered by many as a national hero. Pero itong mga binitawan niyang salita, para ho sa akin, ang aking opinyon dahil ako’y tunay na nasaktan, he crossed the line. He crossed the line.
“Hindi ako papayag, Manny, if you’re watching, na natawag mo ako na mas masahol pa ako sa hayop, I am low than an animal?
“At kami sa LGBT community, hindi rin kami titigil hanggang sa dulo ng buhay namin, hanggang kamatayan.
Ipaglalaban namin ang aming karapatan to equality, to dignity dahil ninakaw ito sa amin.
“I am not begging Manny Pacquiao for dignity. I am not begging you for respect. I am not begging you for my humanity. Because you do not own my humanity. Akin yun, that’s my birth right.
“So, ang amin lamang, dahil pinipilit ng iba na ito’y nakawin sa amin, ilalaban namin ‘yan.
“Manny, sino ka? Sino ka para manghusga? Saan ka kumuha ng kapangyarihan para tawagin kami na mas masahol pa sa hayop?
“Last point, common sense ang pinag-uusapan natin, tatakbo ka para senador, ito ang aking katanungan: Palagay mo ba iboboto ko ang isang tao na ang tingin sa akin ay hindi tao?
“Iboboto ko ba ang isang tao na ang tingin sa akin ay mas masahol pa sa hayop? Manny, ang kasagutan, salita mo—common sense,” ang galit na galit pang litanya ni Boy Abunda.
Sandamakmak na batikos ang inabot ni Pacquiao dahil sa naging maanghang na komento niya tungkol sa same sex marriage kung saan sinabi niyang mas masahol pa sa hayop ang mga bading at tomboy.
Humingi na siya ng paumanhin sa LGBT community pero naninindigan pa rin daw siya sa kanyang paniniwala hinggil sa pagpapakasal ng magkaparehong kasarian.