Dapat i-legalize ang Jueteng

KAHIT na hindi ako sang-ayon na siya’y tumakbong muli sa halalan next year, umaayon ang inyong lingkod kay dating Pangulong Erap na dapat ay i-legalize na ang jueteng.
Maraming tao na ang nawawalan ng hanapbuhay tuwing binubuhay ng pulisya ang kampanya laban sa jueteng.
Mahirap maalis ang isang kaugalian na mahigit na sandaang taon nang ginagawa, gaya ng jueteng.
Ang jueteng ay isang dibersiyon, ‘ika nga, at walang ipinag-iba ito sa sabong, lotto at sweepstakes.
Ang ipinagkaiba lang ng jueteng ay ito’y ipinagbabawal ng batas samantalang ang mga nabanggit na sugal ay hindi.
Tama si Erap: kapag nawalan ng hanapbuhay ang mga kabo at kolektor ng jueteng—napakarami po nila—maaaring lalala ang problema ng droga sa mga lugar na may jueteng.
Nangyari na ito noon nang puspusan ang kampanya ng yumaong Robert Barbers, na noon ay secretary ng Department of Interior and Local Governments (DILG).
Dahil sa kampanya ni Barbers laban sa jueteng, ang mga kolektor at kabo ng jueteng ay napunta sa pagtutulak ng bawal na gamot.
I’m not justifying what they did dahil illegal ang ginawa nila, pero wala na silang maipakain sa kanilang mga pamilya at maitustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Kung bumabanat ang column na ito tungkol sa jueteng, hindi ang jueteng mismo kundi yung mga police provincial  directors, regional directors at station commanders na kumikita sa kotong galing sa bawal na sugal.
*                  *                                *
May kasabihan sa English na “what is illegal is not necessarily immoral.”
Ang isang ilegal na bagay ay hindi palaging kasalanan sa moralidad ng tao.
Ang jueteng ay ilegal, pero masasabi mo bang immoral gaya ng prostitution?
Ang pagtitinda ng laman ay ilegal at immoral o kasalanang sa moralidad.
Hindi ang jueteng. Ito’y bawal lang sa batas pero hindi sa moralidad. Kung patuloy na gagawing ilegal ang jueteng, dapat ay gawin na ring ilegal ang mga casino, sabong, lotto at sweepstakes.
Pare-pareho lang silang sugal.
*                *                                  *
Ngayon bumalik tayo kay Erap sa kanyang balak na tumakbong muli sa pagka-Pangulo sa 2010.
Hindi pa ba sapat na siya’y nabigyan na pagkakataon na manilbihan sa bayan bilang pangulo?
Hindi kasalanan ng sambayanan na siya’y naalis sa puwesto dahil sa kanyang katamaran, pambababae at paglalasing.
Siya ang dapat sisihin sa kanyang mapait na kapalaran.
Nakulong pa nga siya dahil sa salang plunder.
Kung hindi lang siya binigyan ng pardon ni Pangulong Gloria, na isa ring tanga, nasa kulungan pa rin si Erap.
Mga tanga at bobo lang ang nagsasabi na wala siyang kasalanan pero siya’y ikinulong.
Hindi makikipag-debate ang column na ito kung siya’y walang kasalanan o wala, dahil maliwanag talaga na siya’y nagkasala.
*             *                                     *
Nang si Pangulong Ramos ay nasa puwesto, tumaas ang antas ng bansa sa ekonomiya.
Naging small economic tiger ang bansa. Umasenso. Umunlad ang ekonomiya.
Bakit? Dahil palaging sinasabi ni Pangulong Tabako sa sambayanan: “Kaya nating umunlad” sabay pagtaas ng kanyang hinlalaki.
Dahil palaging sinasabi ni Mr. Ramos na uunlad tayo at “kaya nating umunlad,” nagdilang anghel siya at umunlad ang ating bansa.
Nang dumating si Erap, palagi niyang pinupuri ang kahirapan. Palaging sinasabi niya na siya’y pangulo ng mahihirap.
Ang kahirapan ay hindi isang birtud (virtue) kundi isang salot (curse).
Ang taong mahirap ay dapat magsikap na umunlad ang kanyang buhay dahil hindi ito galing sa Diyos.
Sa kabila ng popular na kaisipan na si Jesus ay mahirap, ang katotohanan ay Siya’y mayaman.
He belonged to the House of David, angkan ng mga hari at mayaman noong mga panahong yun.
Sinasabi na siya’y hamak na karpintero. Pero ang karpintero ng mga panahong yun ay equivalent sa building contractor ngayon.
Hanggang noong Siya’y ipinako sa krus, si Jesus ay mayaman.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 102209

Read more...