‘Di ka safe sa Makati | Bandera

‘Di ka safe sa Makati

Jimmy Alcantara - February 16, 2016 - 03:00 AM

IPINATUTUPAD pa ba sa Makati ang 24-oras na pagpapatrolya ng pulisya sa Central Business District na inilunsad ilang taon na ang nakakaran? Kung tuloy pa ay wala itong silbi sa dami ng mga nabibiktima na empleyado ng mga business process outsourcing o mga call center agents ng mga holdaper. Prayoridad kuno ng nasabing panukala na protektahan ang mga call center agents ng mga rumorondang pulis sa 15 lugar sa siyudad na madalas may nagaganap na krimen. Hirit pa ng mga nagpanukala nito na mas mapabibilis na ang pagresponde sa mga emergency dahil hindi na raw kailangan pang tumawag ng pulis dahil nasa lugar na raw ang mga ito. Pero tila naghihilik sa pansitan ang rumorondang pulis noong Miyerkules ng madaling araw nang holdapin at patayin ng umano’y taxi driver ang biyuda ng musikerong si Papadom bago itapon na parang basura sa Kalayaan ave. Sa dami ng kontribusyon ng mga call center agents sa paglago ng ekonomiya ng bansa, ganitong klase lang ng seguridad ang kayang ibigay sa kanila ng pamahalaan. Kakalungkot. Kakainis. *** Kahapon ay no-show si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa nakatakdang pangangampanya sa Tagoloan, Misamis Oriental. Ayon sa kampo ng presidential aspirant ay nagkaroon ng mechanical trouble ang eroplanong sasakyan niya kaya hindi na ito tumuloy. Pero may ilang malilikot ang isip na sinabing baka inatake na naman ng migraine itong si Duterte gaya ng mga nauna niyang reklamo kaya di natuloy ang mga natanguang pulong at kampanya. Dahil sa kondisyong ito ni Digong ay muling naungkat na dapat maging rekisito rin para sa mga tumatakbong pangulo ang maayos na estado ng kanilang kalusugan. Naungkat din ito sa pagkamatay ng dating diplomat na si Roy Señeres na sumakabilang-buhay dahil sa komplikasyon sa diabetes noong nakaraang Lunes, tatlong araw bago magsimula ang kampanya sa pagkapangulo. Stressful at nakakapagod ang maging ama ng bansa kaya kailangang nasa maayos silang pangangatawan. Ihalimbawa na si Pangulong Aquino. Sa anim na taon niya sa puwesto ay nagmukha na siyang lolo, kumpara noong senador pa lang bago ang 2010, sa dami ng mga gitla sa kanyang mukha. Partida pa ‘yun dahil 56 pa lang siya at malayo-layo pa siya bago mag-senior citizen. E paano pa kaya sina Duterte na 70, Vice President Jejomar Binay na 73 at Sen. Miriam Defensor Santiago na 70? Gaanong bugbog sa katawan at pag-iisip kaya ang daranasin nila kapag nakaupo na ang sinoman sa kanila sa puwesto? Makakayanan kaya nila ito? Ayon kay Duterte, wala siyang kanser pero meron siyang mga sakit—slipped disc, Barrett’s esophagus, Buerger’s disease at acute bronchitis—na kaya pa raw niyang indahin. At kahit sinasabi pa ni Binay na “very good” ang kanyang latest medical exam, kadalasan ay marami nang sakit ang mga taong nasa liyebo siyete. Tiyak din na naapektuhan siya sa dami ng kontrobersya na kinahaharap niya, kabilang ang pangamba na makulong siya at anak sa mga kaso ng pandarambong. Di naman pwedeng di mag-alala kay Santiago na napaglabanan na umano ang lung cancer, pero nakakapagtakang halos ang running mate niyang si Sen. Bongbong Marcos ang aktibo sa kampanya. Hindi natin minemenos ang kakayahan nilang mamuno pero obligasyon nila sa botante na ilabas ang kanilang medical record upang malaman kung angkop ang kanilang pangangatawan sa pagkapangulo. *** Para sa komento o reaksyon, mag-text sa 09178052374 o mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending