West All-Stars tinambakan ang East All-Stars, 196-173

TORONTO — Nagpaalam si Los Angeles Lakers swingman Kobe Bryant sa kanyang huling NBA All-Star Game kahapon at binigyan siya ng bagong henerasyon ng pinakamahuhusay na manlalaro buhat sa West ng matinding panalo sa kanilang record-setting 196-173 pagwawagi kontra East kahapon.

Ang unang All-Star Game sa labas ng Estados Unidos ay naging highest-scoring game kung saan ang parehong koponan ay umiskor ng matindi kumpara sa nagawa ng mga ibang koponan. Hindi man nagkaloob ng malaking opensa si Bryant naghatid naman siya ng ilang alaala.

“To see him now, it’s like the passing of a generation,” sabi ni West coach Gregg Popovich. “He’s been such an iconic figure for so long, and he passes it on to that other group of young guys that you saw out there tonight.”

Si Bryant ay nagtapos na may 10 puntos lamang para mawala ang kanyang career lead sa All-Star Game scoring kay LeBron James na gumawa ng 13 puntos. Naging sapat ito para maungusan ni James si Bryant para sa pinakamaraming puntos sa All-Star Game. Si James ay may kabuuang 291 puntos sa kasalukuyan habang si Bryant, na magreretiro na ngayong season, ay lilisan na may 290 puntos.

Lumabas sa laro si Bryant may 1:06 ang nalalabi at sinalubong siya ng palakpakan at yakap mula sa kanyang kapwa All-Stars.

Si Bryant ay mayroon ding pitong assists at anim na rebounds.

Si Russell Westbrook ay umiskor ng 31 puntos para mauwi ang kanyang ikalawang sunod na All-Star Game MVP trophy. Si Stephen Curry ay nagdagdag ng 26 puntos, si Anthony Davis ay may 24 puntos at si Kevin Durant ay may 23 puntos.

Pinamunuan ni Paul George ang East sa ginawang 41 puntos para tapatan ang iniskor ni Westbrook noong isang taon na kapos ng isang puntos sa itinalang record ni Wilt Chamberlain.

Si John Wall ay nag-ambag ng 22 puntos.

Read more...