Mahigit 1,000 arestado sa gun ban

gun ban
Mahigit 1,000 katao na ang naaaresto sa gun ban na ipinapatupad ng mga awtoridad ngayong election period, ayon sa pulisya.

Umabot sa 1,004 katao, na binubuo ng 965 sibilyan, 15 security guard, 10 government o elected official, pitong pulis, limang miyembro ng ibang law enforcement agency, at dalawang militiaman na ang nadakip, sabi ni PNP spokesman Chief Supt. Wilben Mayor.

Nakakumpiska na ng 810 baril, 30 gun replicas, 277 patalim, 43 granada, siyam na iba pang uri ng pampasabog, at 8,810 bala, aniya.

Sinimulang ipatupad ng PNP, sa ilalim ng Commission on Elections, ang gun ban noong Enero 10, nang pormal na mag-umpisa ang election period.

Ipapatupad ng mga awtoridad ang gun ban hanggang Hunyo 8, sa paglalayon na maging ligtas ang halalan at mabawasan karahasan na laging kaakibat nito.

Read more...