Escudero inilaglag si Grace; Dagonoy police walang silbi

ALAM kaya ng kampo ni Sen. Grace Poe na nagkalat ang mga sticker na Bi-Chiz sa mga bus na pumapasada, partikular sa kahabaan ng Edsa?

Ito’y sa harap naman ng intriga hinggil sa pagkikita ni Vice President Jejomar Binay at Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Davao City kung saan palaisipan pa rin kung ano ang naging laman ng kanilang pag-uusap.

Hindi kasi kaila na noong 2010 presidential elections, bagamat sinuportahan ni Chiz si Pangulong Aquino, si Binay ang sinuportahan ng senador imbes na ang ka-tandem na si dating Interior secretary Mar Roxas.

Mauulit ba ang kasaysayan kung saan imbes na si Poe ang sinusuportahan ni Chiz ay si Binay ang lihim nitong ikinakampanya?

Matatandaan na sa kainitan ng disqualification laban kay Poe noong Disyembre ay nagprotesta ang mga supporters ng senador sa harap ng Korte Suprema kung saan tinawag nila si Escudero na “ahascudero” at “Boy laglag” dahil na rin sa hindi mamatay-matay na isyu kaugnay ng pakikipagkita niya kay Binay.

Naghihintay pa rin ng paliwanag ang publiko kay Escudero sa kabila naman ng kanyang naging pahayag na nagkita lamang sila sa isang restaurant kung saan kapwa sila iniimbitahan ng isang common friend.

Ayon pa kay Escudero, nagkasama lamang sila ni Binay habang kumakain at hindi napag-usapan ang isyu ng politika.

Pero siyempre, hindi basta-basta maniniwala ang publiko sa paliwanag ni Chiz lalo na iba ang nangyayari sa kanyang sinasabi.

Maaaring idahilan ng kampo ni Chiz na ang mga nagkalat na sticker na Bi-Chiz ay bahagi ng black propaganda na naglalayong siraan siya kay Poe pero may batayan kasi ito at dati na niyang ginawa.

Hindi ba’t may kasabihan nga na kung nagawa na minsan, hindi imposibleng gawin niya muli ang ginawa noong 2010 presidential elections.

Nakakaawa itong si Poe dahil sa kabila ng sinasasabing palihim na pagsuporta ni Chiz kay Binay, patuloy pa rin ang kanyang pagtitiwala sa kanyang running mate.

Marami ang nagtataka kung bakit kahit na may batayan ang akusasyong laban kay Chiz, hindi ito pinapansin ni Grace at tuloy lang ang kanyang pangangampanya?

Maraming dapat ipaliwanag si Chiz kay Grace, at hindi lamang ito sa usapin ng pagkikipagkita niya kay

Binay kundi sino ba talaga ang nagpakalat ng Bi-Chiz sticker?

Hindi dapat na manahimik lang dito si Chiz kundi dapat ay magpaliwanqag siya sa isyung ito.

Usapin ito ng pagtitiwala at hindi dapat niya itong balewalain.

May obligasyon si Chiz na magpaliwanang kay Grace lalu na sa mga suppoorters ng senadora.

Kung hindi kasi mapagkakatiwalaan si Chiz, mabuti sigurong hindi na rin nila suportahan ang senador.

Talamak ang holdapan sa mga nasasakupan ng Dagonoy Police Station sa Dagonoy, Maynila ngunit walang ginagawang aksyon ang mga pulis.

Kapag nagreklamo ka, ni hindi ka papansinin ng mga pulis. Ang nakakaduda pa bigla na lamang sumusulpot ang ilang mga nanakaw na mga pag-aari mula sa mga biktima makalipas lamang ang ilang oras.

Ibig sabihin, alam ng mga pulis ng Dagonoy Police Station kung sino ang mga nambibiktima sa mga kawawang mga ordinaryong mamamayan.

Ang tanong tuloy ng mga biktima, kumikita rin ba ang mga pulis ng Dahonoy Police Station sa mga nakukuha ng mga kawatan?

Alam kaya ni MPD District Director Chief Supt. Rolando Nana na natutulog sa pansitan ang mga pulis niya sa Dagonoy Police Station at posibleng kasabwat pa ang mga ito sa mga iligal na aktibidad?

Read more...