ISANG matinding babala sa import na si Ivan Johnson ang nangyaring pagsuspindi sa kanya ni PBA Commissioner Chito Narvasa. Ibig sabihin ay hindi mangingimi ang liga na parusahan ang kahit na sinong nagkasala — local man o import.
Si Johnson ay hindi lang sinuspindi ng isang game kundi pinagmulta pa ng P50,000 bunga ng pagsungalngal sa mukha ni JP Erram, pagsuntok kay Frank Gola at pagwawala’t hindi pagpapaawat sa kaguluhang naganap sa tune-up game ng Tropang TNT at Blackwater Elite noong nakaraang linggo.
Mabuti na lang at kahit na wala si Johnson ay nagwagi ang Tropang Texters na nagawang talunin ang Blackwater, 108-102, noong Miyerkules.
Bukod kay Johnson ay na-miss din ng Tropang TNT ang rookie na si Troy Rosario na nagtamo ng injury bago nag-umpisa ang torneo.
Well, isang magandang test of character para sa Tropang Texters ang laro noong Miyerkules. Sabihin na nating expansion franchise ang Blackwater at wala pang napapatunayan hanggang ngayon. Pero may import naman ang Elite at wala nga ang Tropang Texters.
Ipinakita lang ng locals na desidido silang magwagi at kaya nilang buhatin ang kanilang koponan.
Ang siste’y hindi naman nila mabubuhat palagi ang kanilang koponan lalo’t malalakas ang mga makakalaban nila kung patuloy nilang mami-miss si Johnson sakaling hindi magbago ang ugali nito.
Kasi, tiyak na magiging bahagi ng game plan ng mga susunod na makakaharap ng Tropang TNT ang pagpikon kay Johnson. Talagang susubukin nila kung hanggang saan mapapanatili ng import na ito ang lamig ng kanyang ulo. Kaya ba niyang gawin iyon?
Dapat ay kaya niyang gawin. Kasi hindi naman siya bago sa PBA, e. Balik-import na siya. Tinulungan nga niya ang Tropang Texters na magkampeoon sa conference na ito noong nakaraang season. Dapat ay alam na niya kung paanong mag-adjust sa pamimikon at pisikalidad ng kalaban.
Marahil, kaya lang nagwala si Johnson ay dahil sa tune-up game lang ang paghaharap nila ng Blackwater. Hindi opisyal. Marahil ay inaakala niyang babalewalain ng PBA Commissioner’s Office ang anumang kaguluhang mangyayari.
Pero nagkamali nga siya at hindi nakapagpigil.
Marahil, kapag official game ay kaya ni Johnson na magpigil lalo’t alam niyang puwede siyang itapon ng referees at mahihirapang gumawa ng madaliang adjustment ang kanyang koponan sakaling siya ay mawala.
Dapat ay iniisip niya ang kapakanan ng kanyang koponan at kakampi. Hindi ‘yung pansarili lang ang nasa kukote niya.
Kung mananatiling cool si Johnson, malaki ang pag-asa ng Tropang Texters na mapanatili ang titulo.
Cool sa pagbawi sa pananakit sa kanya, ha. Hindi cool sa paglalaro. Kailangang mag-init siya at magtala ng matitinding numero upang makatulong talaga!