17,000 bakwit sa bakbakan

Mahigit 17,000 katao na ang nagsilikas habang limang sibilyan ang sugatan at ilang paaralan ang nagsuspende ng klase dahil sa sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at mga armadong grupo sa Maguindanao nitong nakaraang linggo, iniulat ng mga otoridad ngayong araw.

Umabot sa 3,468 pamilya o 17,340 katao ang nagsilikas sa ga bayan ng Datu Salibo at Datu Saudi Ampatuan dahil sa mga sagupaang nag-umpisa noon pang nakaraang Biyernes (Peb. 5), ayon sa ulat ng Office of Civil Defense-Autonomous Region in Muslim Mindanao (OCD-ARMM).

Sa naturang mga bilang, 3,366 pamilya o 16,830 katao ang kinukupkop sa evacuation centers habang 102 pamilya o 502 katao ang nakikisilong sa bahay ng mga kamag-anak.

Lima katao — nakilala bilang sina Mamex Inding, 30, at Tamey Musanip, 19, kapwa ng Datu Salibo; Racky Limba, 41, Tata Singh, 13, at Badrudin Wahab, 15, pawang mga taga-Datu Saudi Ampatuan — ang nasugatan dahil sa mga bakbakan, sabi ni Myrna Angot, officer-in-charge ng OCD-ARMM.

Pawang mga tinamaan ng “stray bullets” o ligaw na bala ang lima noong kasagsagan ng mga sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at “lawless elements,” sabi ni Angot sa kanyang ulat.

Dahil din sa mga bakbakan, napilitan naman ang Gawang at Ilian primary schools at ang Madia Elementary School, lahat nasa Datu Saudi Ampatuan, na magsuspende ng klase kahapon, aniya.

Apektado ng suspensyon ang 864 mag-aaral at 18 guro, ani Angot.

Read more...