TALAGA yatang wala nang natitirang kahihiyan ang marami nating mga politiko na humihingi sa atin ng tulong para sa nalalapit na halalan.
Sakabila ng mga paulit-ulit na tagubilin at pakiusap ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na kung maaari ay huwag maging pasaway ngayong panahon ng kampanya, tila parang nanadya pa ang mga ito dahil sa lantarang pagdisplay ng kanilang mga campaign material.
Kabilin-bilinan ng Comelec na sundin ang mga alituntunin mula sa pagpapaimprenta o pagpapagawa ng mga tarpaulin, poster, sticker, mga polyetos at iba pang uri ng campaign material, hanggang sa pagsasabit at pagdidikit ng mga ito sa mga itinakdang lugar.
Pero gaya nga nang nasaksihan natin noong unang araw ng kampanya nitong Lunes, wala ka talagang maitulak-kabigin sa mga epal na politiko sa national position, mula sa mga tumatakbo sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, senador at partylist. Halos lahat sila ay mga pasaway, lahat ay walang pakialam kesehodang labagin man nila ang mga alituntunin ng Comelec.
Kung mga pasaway ang mga kandidato ng national position, di hamak na mas makakapal ang mukha ng mga kandidato sa lokal. Talagang mas maeepal ang mga ito nang sabayan ang mga kandidato sa national position sa pagpapalabas ng kanilang mga campaign material in the guise of greetings.
Ebidensya na ng kakapalan ng kanilang mga mukha ay ang mg arak-trak ng poster at tarpaulin na binaklas ng Metropolitan Development Authority sa mga lugar na hindi dapat pagsabitan o pagkabitan ng mga ito.
Ang mga iyan ay dito pa lang sa Metro Manila; higit na malala siguro ang pagka-epal ng mga politiko sa mga lalawigan na hindi agad nasisilip ng media.
Kaya tama ang panawagan ng Comelec sa publiko, na isumbong ang mga pasaway na kandidato na hindi siniseryoso ang mga itinakdang alituntunin hinggil sa mga gagamiting campaign material.
Tamang makiisa tayo sa pagsusumblong ng mga pasaway na kandidato na patuloy na magkakabit ng kanilang mga campaign material sa mga hindi otorisadong lugar.
Para magkaroon ng kawawaan ang ating mga cellphone at ang ating mga social media account gaya ng Facebook, Twitter, Instagram, Viber at marami pang iba, bakit hindi natin gamitin ang mga ito para isumbong ang mga pasaway at epal na politiko.
Sa pamamagitan ng ating mga kuhang larawan at video, maipababatid natin sa ating mga kapwa botante kung sino ba ang mga pasaway at hindi nararapat para sa ating mga boto.
Kung iyon lang ang magiging basehan para maidiskwalipika ang isang kandidato, at kung tototohanin lang ng Comelec ang kanilang pagmamatigas laban sa mga pasaway at epal, tiyak walang matitirang pagbobotohan ng publiko sa darating na Mayo 9.