PH, Russia 40 taon nang magkaibigan

PORMAL nang inilunsad ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM ang natatanging segment na “Embassy Hour” upang personal na imbitahin ang ating mga ambassador at opisyal ng mga foreign embassies at consulates sa Pilipinas.

Sa maiden broadcast nitong nakaraang Pebrero 8, nagpaunlak sa aming paanyaya si Russian Ambassador to the Philippines, His Excellency Igor Anatolyevich Khovaev.

Isa sa 21 Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) member countries ang Russia.

Napakarami naming napagkuwentuhan on-the-air ni Ambassador Khovaev. Masaya umano siyang na-assign sa Pilipinas at makasama ang mga Pilipino na malakas daw makahawa ng pagiging masayahin at palangiti.

Ayon kay Khovaev, sa katatapos na APEC summit, maraming maaaring asahan ang bansang Russia at Pilipinas mula sa isa’t-isa dahil sa tagal na rin ng pagkakaibigan nito.

Tiwala siya at inaasahang maisusulong ang bilateral relations may kinalaman sa paggawa upang mabuksan pa ang oportunidad sa ating mga propesyonal at iba pang sector na makapagtrabaho sa Russia kaakibat na rin ng pagbibigay proteksyon para sa mga Pilipinong manggagawa.

Ayon kay Khovaev, masunurin sa batas ang mga Pilipino sa Russia. Kapuri-puri umano ang mabuting pag-uugaling ito ng mga Pinoy.

Sa larangan ng edukasyon, masayang ibinalita ni Khovaev na mas pinalawak pa nila ang programang pang-edukasyon at hindi na lamang ito nakasentro sa exchange students, kundi palitan din maging ng mga propesor at guro.

Ito ay bahagi ng isa sa mga tampok na napagkasunduan sa katatapos na APEC summit 2015, ang pag-iinvest sa human capital development.

Sa usapin naman ng fostering small and medium partnership, inaanyayahan ni Khovaev ang mga negosyante sa Pilipinas na tingnan ang posibilidad na maaaring makapag-negosyo sa Russia o di kaya’y magdala ng kanilang mga produkto doon at iba pang mga oportunidad sa paghahanap-buhay.

Patuloy na binubuksan ng Russia ang kanilang pintuan para sa mga Pilipino upang mas mapaigting pa ang matagal nang pagkakaibigan nito.

At kung usaping turismo naman, hindi pahuhuli ang Russia. Napili itong isa sa “most popular destinations in the world” at kasama rin ang Russia sa 23 UNESCO World heritage sites.

Maraming maaaring pasyalan ang isang turista sa kinikilalang pinakamalaking bansa sa daigdig, ang Russia. Maraming salamat kay Ambassador Khovaev sa maraming mga impormasyon na naibahagi po ninyo sa amin.

Si Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Maaring mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com o kaya ay tumawag sa 0998.991.BOCW

Read more...