Chiz: Mas mayaman talaga si Heart sa akin!

heart evangelista

“MAS mayaman sa akin si Heart (Evangelista)!” Ito ang diretsong sinabi ni Sen. Chiz Escudero kasabay ng pag-amin na meron silang pre-nup agreement ng kanyang asawa.

Sa isang panayam, sinabi ni Chiz na pumirma sila ng pre-nuptial agreement ni Heart para wala silang maging problema pagdating sa pera. Isa si Chiz sa mga senador na nasa listahan ng “poorest senators” base na rin sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at ang napabalitang bahay na ipinatatayo nila sa New Manila, Quezon City ay hindi raw sa kanya kundi sa kanyang misis.

“Si Heart ang nagpapatayo, at matagal na ‘yun. Sinimulan niya matagal na ‘yun, at ngayon lang natutuloy nung naging seryoso na ang relasyon namin, bago kami ikasal,” chika ng senador. Di hamak daw na mas mayaman ang aktres kesa sa kanya.

Dagdag pa ng senador na kumakandidatong bise-presidente para sa nalalapit na eleksiyon, pumirma raw sila ni Heart na pre-nuptial dahil na rin sa payo ng kaibigan nilang si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

“Complete separation of property kami. Meron kaming pre-nup, sa payo ni Senator Miriam, may pre-nup agreement kami. ‘Yung kanya, kanya. ‘Yung sa akin, akin,” ani Chiz.

Samantala, ibinalita ni Heart sa kanyang fans na magkakaroon na siya uli ng bagong show sa GMA 7. Base sa Instagram post ng Kapuso actress, kasado na ang pagsisimula ng kanyang primetime show this year.

“Hello Gma Primetime!!! Can’t wait to start taping my new telenovela! Let’s just say…I’m ‘happy’!”
Abangan kung sinu-sino ang makakasama sa seryeng ito ni Heart.

Read more...