NASAWI ang 9-anyos na batang babae matapos masaksak ng ama nang subukan niya itong pigilan sa pagsaksak sa kanyang ina, sa Dalaguete, Cebu, kamakalawa (Biyernes) ng gabi, ayon sa pulisya.
Ikinasawi ni Kimberly Tangpos ang saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib, sabi ni Supt. Renato Dugan, tagapagsalita ng Central Visayas regional police.
Matapos ang insidente’y sumuko ang ama niyang si Marcelo Tangpos sa mga rumespondeng pulis, sabi ni Dugan sa isang text message.
Naganap ang insidente dakong alas-8 sa bahay ng mga Tangpos sa Brgy. Maloray.
Lumabas sa imbestigasyon na bago iyo’y umuwi nang lasing si Marcelo at nakipagtalo sa misis na si Bernadeth.
Nauwi sa sakitan ang eksena hanggang sa kumuha si Marcelo ng patalim at sinugod ang misis, ngunit sinubukan siyang pigilan ni Kimberly kaya nasaksak ang bata, ani Dugan.
Matapos sumuko ay dinala si Marcelo sa Dalaguete Police Station, kung saan siya ngayon nakaditine habang hinahandaan ng kaukulang kaso.
MOST READ
LATEST STORIES