Mga kalaban ni Binay dapat mag-alala

NANG malaman niya na pwede na siyang tumakbo sa pagkapangulo, kinumpirma ni Davao City
Mayor Rody Duterte ang kanyang planong pumunta sa Vatican upang humingi ng patawad kay Pope Francis.

Ibinasura na ng Commission on Elections ang petisyon na i-disqualify si Duterte dahil sa isang typographical error sa certificate of candidacy ni Martin Diño, ang kandidatong pinalitan niya.

Hihingin ni Digong, ang palayaw ng mga kaibigan ni Rody sa kanya, ang kapatawaran ng Santo Papa dahil sa pagmumura niya rito.

Maraming taong nagalit kay Duterte dahil sa kanyang ginawa.
“Pupunta ako sa Vatican di dahil maraming nagalit sa akin, kundi dahil nagsisisi ako sa maling ginawa ko,” sabi ni Duterte sa akin sa pakikipag-usap namin sa telepono.

Wala raw pabongga ang pagpunta niya sa Vatican, sabi ni Digong.
“Ako lang at dalawa o tatlong close advisers ko ang sasama sa akin,” ani Duterte.

Kahit na hindi raw siya harapin ng Santo Papa, okay lang sa kanya dahil “sino ba naman ako?”

Baka raw punong-puno ang schedule ni Pope Francis at busy siya sa kanyang trabaho bilang puno ng Simbahang Katolika, kaya’t hindi siya puwedeng harapin.

Kapag nagkaganoon, bibisita na lang daw siya sa tanyag na Sistine Chapel sa Vatican at doon siya magdadasal.

“Kaya lang natatakot ako na baka malusaw ako dahil sa mga kasalanan ko, Mon,” ang pabirong sabi ni Duterte.

Dapat ay mag-alala ang mga kalaban ni Vice President Jojo Binay sa pagkapangulo dahil nakuha niya si dating Interior Secretary Ronnie Puno na maging campaign strategist niya.

Napanalo ni Puno sina Fidel V. Ramos, Erap Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo sa kani-kanilang kandidatura sa pagkapresidente.

Maraming nagsabi na magaling magmanipula ng eleksiyon itong si Puno.

Nanalo ng katiting sa kani-kanilang mga karibal sina FVR at GMA: si FVR kay Sen. Miriam Defensor Santiago noong 1992 presidential election, at si GMA sa yumaong action star Fernando Poe Jr. noong 2004.

Sinabi ni Miriam na magaling sa strategy ng pandaraya sa eleksyon si Puno.

Hanggang ngayon ay di pa raw nakakalimutan ni Miriam ang ginawa ni FVR na pandaraya sa kanya na ang may kagagawan ay si Ronnie Puno.

Nanalo si Erap noong 1998 presidential election hindi dahil kay Puno kundi dahil sa pagiging tanyag ng actor sa masa.

Pero malaking halaga pa rin daw ang ibinigay ni Erap kay Puno: mga P500 milyon daw.

Si GMA ay lubhang mas malaki ang ibinayad kay Puno kesa kay Erap: mga isang P1 bilyon daw.

Bukod sa malaking bayad kay Puno, hinirang siya ni GMA na secretary of interior and local government.

Nakilala ni GMA si Ronnie Puno dahil sa kanyang kapatid na si Dodie na malapit na malapit niyang kaibigan.

Nang naupo si Gloria matapos ang 2004 election, ginawa niyang chairman ng Road Users Board si Dodie na walang ginawa kundi mag-upo-upo lang sa kanyang opisina at magbulakbol.

Pinatay ng isang tomboy ang tatlong kamag-anak ng kanyang lover na isang policewoman.

Nag-lovers’ quarrel ang policewoman at ang tomboy at hindi umuwi sa kanilang pugad ang babaeng pulis.

Nagwala ang tomboy, pinuntahan ang bahay ng policewoman at pinagbabaril ang mga kamag-anak nito nang di niya matagpuan ang kanyang mahal.

Kayong mga babae na nagpaplanong makipag-ugnayan sa tomboy dahil “safe” at hindi nakakabuntis ito, magdalawang isip kayo.

Bumisita sa aking website: www.montulfo.com

Read more...