Apat na lalaking nahaharap sa sari-saring kaso ang nakatakas sa istasyon ng pulisya sa Mataas na Kahoy, Batangas, ngayong araw matapos umanong manakaw ang susi ng kanilang selda.
Nakatakas sina Nikko Rafael Malaluan, nahaharap sa kasong may kinalaman sa iligal na droga at illegal possession of firearms; Erwin Kalalo, may kasong rape; Marjun Villaluz, may kasong robbery; at Roy Jasper Gonzales, nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga.
Pinaghahanap din ang 15-anyos na kapatid ng isa sa mga detainee, na siya umanong tumangay ng susi, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Naganap ang insidente sa pagitan ng alas-2 at alas-4 ng umaga, habang naka-duty bilang jailer si PO1 Rico Llanes.
Naipalam ito sa hepe ng Mataas na Kahoy Police na si Insp. Daniel dela Cruz nang bumalik siya sa istasyon pasado alas-4 matapos magpatrolya.
Inutos na ni Senior Supt. Arcadio Ronquillo, direktor ng provincial police, na magsagawa ng imbestigasyon para malaman kung may lapses o pagkukulang sina Dela Cruz at Llanes.
Naganap ang jailbreak wala pa isang linggo matapos ang madugong pagtakas ng tatlong preso sa bilangguan ng Bureau of Jail Management and Penology sa Balayan noong Enero 30. (John Roson)