NAGPALABAS ngayong araw ang
Commission on Elections (Comelec) ng certified list ng mga pangalan ng mga kumakandidato sa pagka-pangulo at bise presidente na lalabas sa balota sa eleksyon sa Mayo.
Anim ang kandidato para sa presidential race, kabilang sina Vice President Jejomar Binay, Sen. Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, Sen. Grace Poe (independent), Manuel “Mar” Roxas II (Liberal Party), at OFW Family Club party-list Rep. Roy Señeres (Partido ng Manggagawa at Magsasaka).
Noong Huwebes, ibinasura ng Comelec 1st division ang lahat ng petisyon laban kay Duterte na naglalayong ikansela ang kanyang certificate of candidacy (COC).
Patuloy namang dinidinig sa Korte Suprema ang apela ni Poe matapos siyang idiskwalipika ng Comelec dahil sa isyu ng kanyang citizenship at residency.
Anim na pangalan din ang kasama sa certified list para sa mga kumakandidato bilang bise presidente, kabilang sina Sen. Alan Peter Cayetano (independent), Sen. Francis “Chiz” Escudero (independent), Sen. Gringo Honasan (UNA), Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (independent), Camarines Sur Rep. Leni Robredo (LP), at Sen. Antonio Trillanes IV (independent).
Nauna nang sinabi ng poll body na magsisimula itong mag-imprenta ng mga balota sa Pebrero 8.