PNP general pikon na pikon sa pakikialam ng religious group

NATUTURETE na ang isang opisyal ng Philippine National Police dahil sa dami ng mga hinihinging pabor sa kanya ng mga opisyal ng isang makapangyarihang religious group.

Sinabi ng ating Cricket sa Camp Crame na wala namang magawa si Mr. General dahil malaki ang kanyang utang na loob sa grupo.

Mula sa kanyang dating pwesto, mga stars sa balikat hanggang sa kanyang juicy position sa kasalukuyan, lahat ay bunga ng pagiging malapit niya sa religious group.

In return ay kailangan niyang tiyaking hindi lamang ang safety ng top brass ng samahan kundi pati na rin ang maayos na posisyon ng mga miyembro ng grupo.

Kamakailan kasi ay nalagay sa alanganing sitwasyon ang ilan sa member ng relihiyon dahil sa kalokohan nilang pinaggagawa kaya as expected, to the rescue na naman si Mr. General.

Pangarap ni Mr. General ang pinakamataas na pwesto sa PNP kaya tinitiyaga na lang niya ang pakikisama sa makapangyarihang grupo.

Hanggang sa mga lalawigan daw na di naman sakop ni Mr. General ay umaabot ang kanyang mga instruction kaya kilalang kilalala siya bilang troubleshooter ng grupo.

Sinabi ng ating Cricket na dumating na rin sa punto na napikon na si Mr. General dahil pati ang diskarte niya sa kanyang trabaho ay gusto nang pakialaman ng isang lider ng religious group.

Sa puntong iyon ay gusto na sana niyang talikuran ang tinutulungang samahan pero nakontrol din niya ang sarili dahil kailangan ng isa sa kanyang kapamilya ang tulong ng naturang relihiyon.

Bukod sa galing sa political family si Mr. General, kandidato rin sa isang mataas na pwesto sa pamahalaan ang isa sa kanyang kapamilya.

Ang opisyal ng PNP na umay na umay na sa dami ng mga pabor na hinihingi sa kanya ng isang maimpluwensiyang grupo ay si General J….as in Jeng-Jeng.

Para sa komento at reaksyon, maaaring sumulat sa inquirerbandera2016@gmail.com, o kaya ay mag-text sa 09178052374.

Read more...