JM de Guzman maayos na ang kundisyon sa rehab

JM DE GUZMAN AT NICO ANTONIO

JM DE GUZMAN AT NICO ANTONIO

NANG makatanggap kami ng text invite mula sa katotong Jun Nardo para sa pelikulang “Tandem” ay agad naming naisip si JM de Guzman dahil siya nga ang bida rito.

Akala nga namin ay nakalabas na siya (from rehab) o baka puwede siyang sumaglit sa presscon ng pelikula niya para kahit paano ay makausap siya ng entertainment press na miss na miss na siya.

Pero hindi nangyari ang inaasahan namin dahil sabi nga ng publicist ng pelikula na si katotong Jun Nardo ay hindi makakarating ang aktor, “Wala pa, hindi pa puwede (makausap). Alam naman natin kung anong pinagdaraanan niya ngayon.”

Open book naman ang pagbalik sa rehabilitation center ni JM at nagpapagaling na ayon sa aming source at maayos na raw uli ang kalagayan ng aktor.

Nanalong Best Actor si JM sa “Tandem” na kasali sa nakaraang Metro Manila Film Festival para sa New Wave category.

Isa si Nico Antonio sa cast ng “Tandem” bilang utol ni JM at nabubuhay sila sa pang-i-snatch para mabuhay kaya lagi silang magkaeksena ng aktor, at wala naman daw siyang na-experience na problema na kabaligtaran sa mga naglabasang balita habang ginagawa nito ang seryeng All Of Me.

Kuwento ni Nico, “‘Yung sa All Of Me, nagulat na nga lang ako talaga, kahit si Rochelle (Pangilinan, kasama rin sa pelikula), nagulat din, na bakit nagkakaganu’n si JM, mga bulong-bulong sa set daw, kay direk Dondon (Santos), ‘yun. Kasi nun’g sa ‘Tandem’ wala kaming problema.”

Maging ang direktor ng “Tandem” na si King Palisoc ay wala ring naging problema kay JM.

“Malayong-malayo ‘yung experience namin nu’ng ginagawa namin ang pelikula (sa mga tsismis). Never akong nag-adjust or nagkaroon siya ng tantrum, wala,” kuwento ni direk King.

Samantala, kahit absent si JM sa “Tandem” presscon ay tumutulong din siya sa promo ng pelikula dahil nag-post daw ito ng poster sa kanyang social media account.

Ang “Tandem” ay nagkaroon ng premiere night sa Montreal, Canada noong Set. 1, 2015 at ipalalabas naman dito sa Pilipinas sa Peb. 17 produced ng Quantum Films, Tuko Film Production at Buchi Boy Films. Nakakuha rin ito ng Graded A sa Cinema Evaluation Board.

Bukod kina JM, Nico at Rochelle, kasama rin sa “Tandem” sina Elora Espano, Allan Paule, Paolo O’Hara, BJ Forbes, Karl Medina at Dennis Marasigan.

Read more...