KINAKABOG talaga ng tambalang Alden Richards at Maine Mendoza ang mga naghahari-harian at nagrereyna-reynahan nu’n sa paggawa ng mga TV commercials.
Kapag nanood ka ng TV ngayon ay puro ang kanilang mga mukha ang bumibida sa mga patalastas.
Maglipat-lipat ka man ng channel ay sila pa rin ang makikita mo, luminga-linga ka at sila rin ang nasa billboards sa kalye, pati sa pabalat ng mga coated magazines ay sila ang tatambad sa paningin mo.
Tama ang terminong sinasabi ng manonood, nakauumay na sina Alden at Maine, pero ‘yun naman ang pagkaumay na enjoy na enjoy ang ating mga kababayan.
Sinusubaybayan pa rin nila ang AlDub sa kalyeserye, kinakikiligan pa rin sila, walang nagpapalampas sa Eat Bulaga dahil kina Alden at Yaya Dub.
Ang suwerte nga naman kapag dumating ay hindi papatak-patak lang, umuulan talaga, tulad ng nangyari sa penomenal na pagsikat ng AlDub.
Sino nga ba ang mag-aakala na darating ang ganito katinding kasikatan sa kanila na may kakambal na matinding suwerte? Talagang napakarami nilang raket, sila ang pinipiling mag-endorso ng mga ahensiya dahil sila ang malakas, walang makakukuwestiyon sa ganu’n.
Samantalahin na nila ang pagkakataon dahil isang araw ay biglang iikot ang gulong ng kanilang career, may ibang personalidad na naman na sisikat, ‘yun naman ang papagitna sa entablado at aagaw ng atensiyon ng publiko.
Pero nandiyan pa rin sina Alden at Maine, mahirap nang mabalewala ang tambalang tulad ng kanila, penomenal ‘yun na nagbigay ng marka.