Ni Leifbilly Begas
KUNG nakilala si dating mayor at Metropolitan Manila Development Authority chairman Bayani Fernando sa kanyang paggamit ng ‘kamay na bakal’, iba naman ang style ni incumbent Marikina Mayor Del de Guzman.
Sinabi ni de Guzman na hindi siya naniniwala na pananakot ang susi upang mapasunod sa batas ang mga tao sa Marikina kaya hindi niya ipinagpatuloy ang ginawa ni Fernando at ng misis nitong si dating Mayor Marides Fernando.
“Ang paniwala ko kasi mas maganda na sumusunod ang tao hindi dahil natatakot sila.
Mas maganda na sumusunod sila sa batas dahil alam nila na tama ito at makabubuti ito sa lahat,” ani de Guzman nang bumisita siya sa tanggapan ng Inquirer Bandera kamakailan.
Tumatakbo si De Guzman bilang reelectionist. Ikalawang termino na niya kung sakaling papalarin sa Mayo 2013. Pero bago pa siya naging alkalde ng Marikina na siyang tinaguriang shoe capital ng Pilipinas, naging vice mayor muna siya bago naging kongresista nang makatlong termino.
Nang tumakbo noong 2010, sinabi ni De Guzman na nag-usap sila ni BF at pinakiusapan siya nito na huwag na munang tumakbo sa pagka-alkalde.
Anya, handa naman umano sana siyang magbigay daan kung mismong si Bayani ang tatakbo sa pagka-alkalde.
Pero hindi nga ganon ang nangyari, tumakbo si Bayani sa pagkabise-presidente, kung kayat itinuloy ni De Guzman ang pagsabak sa pagka-mayor ng Marikina.
Pansamantalang nanahimik sa pulitika si Bayani. “I think, sa ngayon, focus muna si BF sa negosyo.
I think they, silang mag-asawa, have given their share to Marikina and we are truly grateful to what they have done to the city,” ani de Guzman.
Sapatos pride ng Marikina City
Ayon kay De Guzman, patuloy pa rin ang pagpupunyagi ng kanyang liderato upang maibalik ang kinang ng Marikina sa larangan ng paggawa ng sapatos.
Gayunman, inamin ng alkalde na mahirap ang pakikibaka ng negosyo nang pagsasapatos sa panahon ngayon. Anya, sa labanan ngayon kinakailangan ng advertisement.
“Kailangan i-advertise mo yung produkto, publication talaga. Dapat ipaalam sa mga tao na magaganda at matitibay ang mga sapatos na gawa sa Marikina.”
Isa sa pinakamalaking hamon sa Marikina ngayon ay ang pagdagsa sa merkado ng mga murang sapatos na gawang China.
Anya, tinatangkilik ang sapatos na gawang China dahil mura ito kahit pa sabihin na walang kaledad.
Pero hindi anya ang China-made shoes lang ang magpapataob sa sapatos na gawang Marikina kung kayat binubuhusan nila ito ng panahon para muling maipakilala at maibenta.
Dito na sinimulan ng Marikina ang Shoe Festival sa iba’t ibang lugar upang ibanderang muli ang sapatos na gawa sa kanilang lungsod.
“Itong Sapatos Festival ay para ipaalam sa lahat na sa Marikina pa rin ginagawa ang mga magaganda at matitibay na sapatos and at the same time, it is a challenge to the shoe makers na mag-develop sila at i-improve yung kanilang mga produkto.”
Siniguro rin ni De Guzman na mataas ang kalidad ng mga sapatos na gawa ng Marikina. “Syempre tinaya ko na ang leeg ko dyan syempre binibenta natin yung mga sapatos, sinasabi nating matibay, maganda at mura kaya kailangan matibay, maganda at sa murang halaga nila mabibili ang mga sapatos ng Marikina.”
Ipinagmalaki rin ni de Guzman na mai-kukumpara ang mga Marikina made shoes sa mga high end brand na ibinebenta sa mga boutique.
“Ang Marikina kasi yung niche nila ay yung hand-made shoes, ito yung mentality lalo na nung mga old-timers, aniya”
Ibinulalas naman ni de Guzman ang isa sa mga panukala niya na naisabatas noong siya ay kongresista pa.
“Mayroon akong ginawang batas noong Congressman pa ako pero sa sapatos lang.
Kaya nga ang military ngayon, they have to purchase locally made shoes para i-supply sa mga sundalo.
Not necessary Marikina made shoes, basta made in the Philippines.
At least Pilipino pa rin ang makikinabang.
Kaya lang marami akong nakalaban sa batas na iyan noon especially yung mga advocates ng free trade, ang opinion kasi ng iba na dying industry na iyan, bakit pa natin tutulungan iyan?
Yung iba may ganyang opinion kaya nagkaroon yan ng sunset provision, ten years lang ang itatagal ng batas na iyan.
Nasa ninth year na ngayon kaya I asked our two Marikina Congressmen ngayon na paki-extend naman ng another 10 years because we really have to help the industry.”
(Editor: May komento, reaksyon o tanong ba kayo sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)
Mga hirit ni Del De Guzman
BUMISITA kamakailan sa Bandera ang alkalde ng Marikina na si Del De Guzman para sa isang interbyu. Dito tinanong ng Bandera ang samu’t sari niyang opinion tungkol sa mga maiinit na isyu ngayon at narito ang kanyang tugon.
Bandera: Isa sa laging nakikita sa TV tuwing may bagyo ay ang Barangay Tumana sa Marikina, wala na bang solusyon sa pagbaha doon?
Del De Guzman: Yang tumana kasi, historically, ay talagang binabaha.
For the longest time, hindi tumira diyan ang mga taga-Marikina, yung mga local dahil alam nila ang sitwasyon doon.
Kaya naging taniman na lang iyon noon dahil very fertile land naman iyon.
Kaya lang kinonvert into residential ang area.
May sinasabi silang designs to avert flooding tulad ng wall protection, diking na parang ikukulong mo yung buong Marikina tapos sasabayan mo na lang ng pump dahil hindi na makakalabas ang tubig sa loob.
Pinag-aaralan pa natin yan.
May isang proposal din na water retaining wells kung saan gagawa ng isang storage ng rainwater na puwedeng gamitin kahit saan pagkatapos ng ulan.
Syempre hahanap pa ng malaking lugar na huhukayin para sa storage area.
Actually, ngayon may project kaming ganyan diyan sa may SSS, Katipunan area.
Naghukay kami ng malalim, parang mga two-storey building ang lalim. Hopefully mag work-out at titingnan natin kung pwedeng ma-apply sa ibang areas.
B: Nakabawi na ba ang Marikina mula kay “Ondoy”?
Del: After the Ondoy, about 85 to 90 percent ng Marikina naka-recover na.
Yung ibang factories nga nakapag-upgrade na ng makina tapos after three years dumating naman itong habagat kaya simula uli but the damage was not as bad as Ondoy.
Pero despite the Ondoy and habagat, may mga nag-i-invest pa rin naman sa Marikina.
May mga residential buildings and town houses na itinatayo.
Yung mga manufacturing businesses may mangilan-ngilan.
I think they feel the comfort kaya gusto nilang mag-negosyo sa Marikina.
Yun nga lang yung ibang malalaking companies, lalo na yung mga export oriented, hindi ma-accommodate ng Marikina because they require ang malaking land area na hindi namin maibigay.
B: Malaking factor ba sa kabuhayan ng Marikina ang fault line?
Del: Actually ang tawag dati diyan Marikina fault line pero binago na ito sa West Valley fault line kasi kapiraso lang naman ng Marikina ang nadadaanan ng fault line although pag yan gumalaw apektado pa rin tayo.
Wala pang two kilometers ang haba ng fault line na dumaan sa Marikina.
Sa January magkakaroon tayo ng marking kung saan talaga ang faultline. Kung paano naming pinaghahandaan ang bagyo at baha, ganon din sa lindol.
B: Kamusta ang peace and order sa Marikina?
Del: Mas dumami ang krimen ngayon. Siguro dahil sa mas dumami ang tao at mas dumami ang nawalan ng trabaho.
May mga instances na nahuhuli yung mga suspek at sinasabi nilang dati silang sapatero na nawalan ng trabaho kaya isa sa priority natin ang job generation.
At isa nga sa tinitingnan natin ngayon ay yung Philip Morris kasi nag-tieup sila sa Fortune Tobacco diyan sa Parang, Marikina, it could generate a lot of jobs.
Syempre kailangang lumakas talaga ang shoe industry sa Marikina.
At ongoing naman ang livelihood programs ng Marikina at palalakasin pa natin ito in the coming years.
B: Kamusta ang operasyon against jueteng?
Del: Noong araw maraming gawaan ng sapatos sa Marikina kaya yung mga nagpapataya umiikot sa mga pagawaan kaya meron silang napapataya.
Ngayon na konti na lang ang gawaan ng sapatos, sino pa iikutan nila, sinong tataya sa yo?
Hindi na ganon kalaki o kalawak ang operasyon.
Meron pa ring pangilan-ngilan pero patago na lang.
B: Bukod sa sapatos ano pa ang malaking contribution ng Marikina sa PH economy?
Del: Well, malaki ang contribution from Fortune lalo na siguro kapag pumasa ang sin tax…
B: By the way sir, what’s your stand on the sin tax bill?
Del: I am in favor kaya lang ang wino-worry namin ay kapag masyadong malaki ang pagtaas baka mag-suffer ang production.
Pero sabi naman iba, kahit gaano pa kataas ang presyo ng sigarilyo, bibili pa rin ang mga smokers. I think the proposal, yung sa Senate, is viable.
B: Anong position mo sa RH bill?
Del: Ang sa akin lang naman bigyan ng choice ang mga tao.
Naniniwala ako doon sa birth control dahil nakikita ko naman lalo na sa depressed community, namatay yung tatay, may sakit pa yung nanay na mag-isang mag-aalaga sa anim, pitong anak.
But I think we need to review it well. Kailangan ng dialogue talaga lalo na with the Catholic church.
B: Anong posisyon mo sa divorce?
Del: No need siguro yan. Meron naman annulment e at pareho din naman ang gastos dyan. Wala gaanong pinag-iba.
B: Gay marriage?
Del: Hindi siguro. I mean, I respect them as a person pero… it’s a very sensitive issue…
B: May lumapit na ba sa inyong gay partners at sinabing ‘Mayor, puwede mo ba kaming ikasal’?
Del: Hahaha. Wala pa naman.
B: Political dynasty?
Del: Well, sa akin maganda kung may anak na na sumunod sa yapak mo.
Pero yung pinipilit na tumakbo para lang huwag mawala sa pamilya nila ang puwesto ibang usapan na yan.
Bottom line, ang mga tao naman ang mamimili e kung sino ang gusto nila.
B: FOI bill?
Del: Sponsor ako niyan noong sa Congress pa ako. Pero until now hindi pa naa-approve.
B: Mining and logging?
Del: We need a sustainable system. Aminin na natin, makakatulong talaga sa atin yan.
Di natin pwedeng ihinto agad-agad.
B: You are running for Mayor again, hindi ka ba tinapatan ni dating mayor Bayani Fernando or ng asawa niyang si Marides?
Del: I think, sa ngayon, focus muna si BF sa negosyo.
I think they, sila ng asawa niyang si Marides, have given their share to Marikina and we are truly grateful to what they have done to the city. Nagawa na nila ang dapat nilang gawin sa Marikina at negosyo naman ang asikasuhin nila.
Matagal din naman kaming nagsama ni BF. I was his vice mayor before I ran for Congress kaya lang noong last election, iba ang sinuportahan niya and he asked me noon na wag munang tumakbo but I ran just the same and the people of Marikina supported for me.
B: Magkano ang inyong networth?
Del: Nasa P10 million yata.
B: Ilan ang kotse at bahay mo?
Del: Meron akong isang bahay. Tapos yung lumang bahay.
May apat na sasakyan ako dati, nabenta na yung dalawa kaya dalawa na lang. —Frederick Nasiad