Coco binuhay ang aksyon, binigyan ng trabaho ang mga stuntman

coco-martin1

BUHAY na ulit ang aksyon-drama sa telebisyon dahil kay Coco Martin alyas Paloma sa FPJ’s Ang Probinsyano na umaani ngayon ng magagandang rebyu at hataw din sa ratings game.

Nagtala ng 45.9% noong Lunes, Peb. 1 ang serye kumpara sa katapat nitong programa na nakakuha ng 18.1%. Hindi lang sa buong Pilipinas inaabangan ang FPJ’s Ang Probinsyano kundi maging sa ibang bansa sa pamamagitan ng TFC kaya labis-labis ang pasasalamat ng aktor sa mainit na pagtanggap sa kanya bilang si Paloma.

Ayon kay Coco nang makausap siya kamakailan, “Nakakatuwa kasi sabi ko nga magdere-derecho na mabuhay ulit ang action film para marami tayong matulungan, lalong lalo na ‘yung mga stunt man, mga action director, di ba?”

Ito ang layunin talaga ni Coco, ang mabigyan ng trabaho ang mga kasamahan sa industriya na hindi na masyadong aktibo ngayon. Kaya naman halos lahat ng taga-showbiz ay puring-puri si Coco sa maganda nitong pakikisama sa lahat at sa mga adbokasiya niya.

Samantala, base sa ipinalabas na episode ng Ang Probinsyano noong Lunes ay talagang maraming nabighani kay Coco bilang si Paloma dahil nabenta siya ng kalahating milyon sa isang banyaga para sa isang gabi, pero hindi nangyari ang inaasahan dahil nagpakilala na siya bilang agent.

At sa pagpapatuloy ng kanyang misyon, hahabulin ni Cardo ang yate na kinalalagyan ni Carmen (Bela Padilla) at babanggain ang mga bandidong dumakip sa kanya.

Ito na kaya ang pinakahihintay na pagkakataon ni Carmen na makakawala sa kamay ng sindikato? Malagay kaya sa panganib ang kanyang buhay pati ng rin ng kanyang mga mahal sa buhay?

At isa pang tanong, pagkatapos ng matagumpay niyang pagganap bilang babae sa serye, ano naman ang susunod na challenge na haharapin ni Coco sa numero unong serye ngayon sa bansa?

Read more...