Isa na namang armado patay sa checkpoint shootout

bulacan
Isa na namang armadong lalaki ang patay nang makipagbarilan sa mga pulis na nagtse-checkpoint sa Bulacan kagabi.

Napatay si John Lawrence Garcia, isang residente ng Baliwag na may nakabinbing warrant of arrest para sa kasong attempted theft, sabi ni Senior Supt. Ferdinand Divina, direktor ng Bulacan provincial police.

Naganap ang barilan sa Brgy. Sampalok, San Rafael, dakong alas-8.

Bago ito, napansin ng mga pulis na nagtse-checkpoint sa naturang lugar na may isang motorsiklong nakaparada sa di kalayuan kaya nilapitan ito para inspeksyunin, ani Divina.

Habang palapit ang mga pulis ay humarurot palayo ng checkpoint ang tricycle kaya hinabol ng mga naka-motorsiklong pulis, aniya.

Sa kasagsagan ng habulan ay bumaba ng tricycle ang driver nito, nanakbo patungo sa isang palayan, at pinaputukan ang mga pulis, kaya gumanti ang mga alagad ng batas, ani Divina.

Narekober sa tabi ng bangkay ni Garcia ang isang kalibre-.45 pistola, magazine, mga bala, at mga basyo.

Ito na ang ikalawang naiulat na insidente ng pakikipagbarilan ng mga armado laban sa mga pulis na nagtse-checkpoint sa Bulacan matapos ang shootout na ikinasawi ng hinihinalang carnapper sa bayan ng San Miguel noong Lunes.

Matatandaan na may naganap ding barilan sa pagitan ng mga armado at pulis na nagtse-checkpoint sa Muñoz City, Nueva Ecija, noong Enero 25, kung saan limang hinihinalang kawatan ng motorsiklo ang napatay.

Read more...