MUKHANG ayaw ng Kamara de Representantes na madalawahan ng mga senador.
Noong una ay inaprubahan nila ang dagdag na P2,000 pensyon para sa mga retirado ng Social Security System. May kaakibat itong panukala para magkaroon ng pagkukuhanan ng pondo para hindi mabangkarote Inaprubahan ng Senado ang dagdag pensyon, pero hindi ang dagdag kita ng SSS.
At ang resulta, na-veto ang panukala na sinasabing nagkaroon ng negatibong epekto hindi lamang sa administrasyon kundi maging sa kandidato nito na si Mar Roxas.
Sinasabi na pwede namang pirmahan ni Pangulong Aquino ang panukala at bahala ng maproblema ang presidente na aabutin ng pagkalugi ng SSS, upang matulungan si Roxas na manalo pero hindi niya ito ginawa.
Ngayon ay nakasalang sa bicameral conference ang panukalang Salary Standardization Law 4 na magdaragdag sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Bukod sa dagdag sahod ay mayroon itong kaakibat na 14th month pay kaya naman nananabik ang mga taga-gobyerno lalo na ang mga maliliit ang suweldo. Para sa kanila ay malaking bagay ang 14th month pay lalo at palagi na lamang naisasangla ang 13th month pay na nakukuha ang kalahati kapag Hunyo at ang kabiyak tuwing Disyembre.
Pero mukhang lumabo nang maipasa ito.
Ang gusto kasi ng vice presidential candidate na si Sen. Antonio Trillanes IV ay isama sa daragdagan ang pensyon na natatanggap ng mga retiradong pulis at sundalo.
Sa pagbibigay ng dagdag sa 1.53 milyong empleyado ng gobyerno gagastos ng P225.8 bilyon sa apat na taon na pagpapatupad nito. Kung isasama ang mga retirado kakailanganin ng dagdag na P122 bilyon.
Parang mas malaki pa ang halaga na paghahati-hatian ng mas konting retirado kaysa sa mga nagtatrabaho pa sa gobyerno.
Wala namang masama sa gusto ni Trillanes na dagdagan ang natatanggap ng mga retirado. Kaya lang, nanganganib na mawalan lahat dahil dito.
Masasakripisyo ang dagdag kita ng 1.53 milyong empleyado ng gobyerno para sa 211,000 retirado ng AFP at PNP.
Gaya nang hindi naibigay na dagdag pensyon, maaaring ibigay ni Aquino ang dagdag na sahod tutal ay bababa na siya sa Hulyo, problema na ‘yan ng susunod sa kanya.
Pero kung hindi ibibigay dahil walang pagkukuhanan ng pondo, lalatay na naman ito sa kandidato ng administrasyon.
Nagmumukha tuloy may sumasabotahe lang kay Roxas.
Hindi lamang pang-nasyunal nangyayari ang maituturing na pananabotaheng ganito.
Parang ganito rin ang nangyayari sa Meycauayan, Bulacan at ang kawawa ay ang mga residente.
Dahil daw sa pulitika, hindi inaprubahan ng City Council ang pondo ng lungsod ngayong taon.
Naipit tuloy ang mga proyekto ng siyudad kagaya ng P300,000 pondo para sa pabahay.
Hindi ito nangyari sa budget ng siyudad para sa 2014 at 2015 dahil noon kaalyado pa ng mayora ang mga konsehal.
Pero bago natapos ang 2015 ay naglundagan na ang mga konsehal sa kalaban ng mayor.
Alam naman siguro ng mga konsehal na ang kanilang mga constituents ang tinatamaan sa kanilang ginagawa at hindi lamang si mayora.
Dapat siguro ay mapaliwanagan lang ang mga botante ng Meycauayan kung anong klaseng kandidato ang kanilang inihalal noong 2013 bago magpasya kung iboboto muli nila ang mga ito sa Mayo.
Bahala na ang mga botante kung anong klaseng lider ang gusto nilang iluklok sa puwesto sa Mayo. Sila naman ang nagdedesisyon kung anong klaseng lider ang kanilang iuupo.