IPINAGTANGGOL ni Julia Montes ang kanyang sarili laban sa mga isyung ibinabato sa kanya, tulad ng balitang lumaki na raw ang ulo niya, kesyo nagiging maldita na siya at isnabera sa mga taong gustong magpa-picture sa kanya.
Kahapon, kasama ni Julia na humarap sa entertainment press ang senatoriable na si Cong. Sonny Angara, hindi na naman lingid sa kaalaman ninyo na ang Kapamilya actress ang isa sa mga celebrity endorsers ng kongresista mula sa Aurora, at napapanood na nga natin ang kanilang TV ad.
Diretsahang tinanong si Julia kung may katotohanan ba ang balitang may isang immigration officer daw ang nagalit sa kanya dahil sa kanyang pagsusuplada, hindi naman niya itinanggi ang eksena pero nilinaw niya na wala siyang minalditahan o tinarayan sa airport.
“Hindi ko alam kung saan ako papunta nu’n, ito yata ‘yung papunta kaming Singapore, pero naalala ko pa ‘yung mga nangyari, iniinterbyu ako ng isang consul, tapos nag-request nga ng picture taking, e, may kailangan pa akong ayusin, nagsabi naman ako na sandali lang po, pero pagbalik ko sa kanya ‘yun nga, medyo nag-iba ‘yung pakikitungo niya.“Nag-request siya na sana ngumiti ako, nag-smile naman ako, pero hindi ko alam kung anong ngiti ang gusto ni ate.
Pero wala naman siyang sinabi sa akin na ibo-boycott niya at ng family niya ang mga projects ko, tulad ng mga lumabas sa balita, but hindi ko lang alam nu’ng umalis na ako.
Pero nagpa-picture naman po ako, at sa pagkakaalam ko, napagbibigyan ko naman ‘yung mga nagre-request na magpa-picture,” paliwanag ni Julia.
Hindi rin daw siya maldita o nagpapa-primadonna, “Siguro nga po misunderstood ako, kasi bubbly talaga ako, pero mahiyain ako at the same time.
And ‘yung itsura ko, kapag nakatahimik lang ako, mukha na raw akong suplada, o nagmamaldita.
“Sabi ko nga, yun talaga ang naging edge ko dati para maging Clara (sa seryeng Mara Clara ng ABS-CBN), kasi before, hindi lang ako magsalita, tingnan n’yo lang ‘yung mukha ko, kontrabida na.
Kaya nga minsan gusto ko talaga ‘yung kinakausap ako para mas makilala ako ng tao,” say pa ni Julia.
In fairness, ipinagtanggol din siya ni Cong. Angara na hindi naniniwalang makakasira raw sa kandidatura niya ang pag-endorse sa kanya ng dalaga, “Alam n’yo ‘yung TV ad na ginawa namin, halos isang araw ‘yun kinunan, tapos umuulan pa, paulit-ulit ‘yung mga ginagawa namin, pero hindi siya nagrereklamo, game na game pa rin siya kahit halatang pagod na.
Very professional si Julia.”
Ayon pa kay Cong. Angara, pinili nila si Julia at ang lola Flor nito na maging celebrity endorser dahil naniniwala sila sa kakayahan ng mga ito na maipabatid sa mga tao ang kanilang adbokasiya, lalo na ang tungkol sa pag-aalaga sa mga senior.
“Wholesome ang image ni Julia, maganda naman ang record niya, at ang pinakamahalaga sa lahat, isa siyang magandang example sa mga kabataan, lalo na ang pagmamahal at pag-aalaga niya sa kanyang lola Flor na siyang nagpalaki sa kanya,” sabi pa ni Cong. Angara.