‘Walang pwedeng manakit sa anak n’yo…ako ang makakalaban nila!!!’

PAULEEN LUNA AT VIC SOTTO

PAULEEN LUNA AT VIC SOTTO

HINDI lang si Pauleen Luna ang mahihirapan-maninibago sa bagong mundo nila ni Vic Sotto, ang kanyang pamilya ay maninibago rin, super-close kasi ang pamilya.

Mula nang ipanganak si Poleng ay hindi pa siya minsan man nahiwalay sa kanyang pamilya, nu’ng usung-uso ang pagkakaroon ng sariling condo unit ng mga artista ay sarado agad ang utak ng kanyang lola at mga magulang sa ideya, sa kanilang bahay siya umaalis para magtrabaho at du’n din siya dapat umuuwi kapag tapos na ang kanyang mga kompromiso sa buong araw.

Kaya nu’ng unti-unti nang nag-iimpake si Pauleen ng mga personal niyang kagamitan para dalhin sa bagong bahay na ipinatayo nila ni Bossing Vic ay palaging umiiyak ang actress-TV host.

Hirap na hirap siya, hindi niya malaman ang gagawin, paano na ang kanyang pamilya kapag sila na ni Bossing Vic ang magkasama?

Handa naman ang kanyang mga magulang na isang araw ay magkakaroon ng sariling buhay si Poleng, tanggap nila ‘yun, pero kapag nandiyan na pala ay matinding lungkot pa rin ang mararamdaman nila.
Nangako na lang si Pauleen na dadalasan ang pagdalaw sa kanyang kapatid at magulang, basta libre siya ay babalik-balik pa rin siya sa lugar na napakamarkado para sa kanya, du’n lang napahinga ang kalooban nilang lahat.

Sabi ni Mommy Chat, “Nangako sa amin si Vic na walang kahit sinong makapananakit kay Pauleen, siya raw ang magtatanggol, siya raw ang makakalaban ng kahit sinong magtatangkang umapi sa anak ko.”
Tanggap ng pamilya ni Pauleen si Bossing Vic, walang problema du’n, nadagdagan pa nga sila at hindi nabawasan.

Read more...