Bomba sumabog; 3 sugatan


Tatlo katao ang naiulat na sugatan nang sumabog ang improvised na bombang tinago umano sa kotse, sa Tacurong City, Sultan Kudarat, kahapon, ayon sa mga otoridad.

Nasugatan sina Freddie Tumindig, 42; Nicole Fobar, 19; at Patrick Pepito, sabi ni Capt. Jo-Ann Petinglay, public affairs officer ng Army 6th Infantry Division.

Isinugod ang tatlo sa Quijano at Sandig hospitals para malunasan, aniya.

Naganap ang pagsabog dakong alas-2 sa tapat ng isang bakanteng lote sa Jose Abad Santos st., Brgy. Poblacion.

Mayroong mga concrete nail o pako at metal fragments ang pampasabog, ani Petinglay, gamit bilang basehan ang inisyal na ulat mula sa field.

Tila itinago ang bomba sa bumper ng isang itim na kotse, aniya pa.

Kinumpirma rin ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Central Mindanao regional police, ang pagsabog.

Inaalam pa ng mga miyembro ng explosives and ordnance disposal team ng Sultan Kudarat provincial police at Tacurong Police kung anong nagdulot ng pagsabog, ani Galgo. (John Roson)

– end –

Read more...