SINABI kahapon ni Sen. Antonio Trillanes IV na hindi siya nababahala sa kabila ng arrest warrant na ipinalabas laban sa kanya ng isang Makati City court kaugnay ng libel na inihain ng na-dismiss na si Makati Mayor Jejomar “Junjun” Binay, sa pagsasabing hindi siya titigil sa paghabol sa pamilya Binay.
“Pinag-aaralan na ng abogado ko kung ano ang mga nararapat na hakbang,” sabi ni Trillanes sa isang text message.
Ito’y matapos makitaan ng Makati City Regional Trial Court branch 142 ng probable cause para ituloy ang kaso laban sa senador.
“Pero kung ang layunin ng pamilya Binay sa kasong ito ay para tigilan ko sila sa aking pag-uusig, nagkakamali sila. Hindi ko hahayaan ang mga magnanakaw na mamuno ng ating bansa,” dagdag ni Trillanes.
Nag-ugat ang libel laban kay Trillanes matapos ang kanyang alegasyon na bumili umano si Mayor Binay ng injunction sa Court of Appeals para mapahinto ang kanyang pagkakasuspinde kaugnay ng umano’y maanomalyang konstruksyon ng Makati City Hall 2 parking building.
Si Trillanes ang nagsimula ng imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga anomalya sa Makati City.