‘LolaBasyang.com’ ng TV5 nominado sa Prix Jeunesse International

jun lana

Ikinalungkot ng mga bata ang pagtatapos ng LolaBasyang.Com nu’ng Sabado nang gabi. Pati ang paboritong ParangNormal Activity ng mga bagets na manonood ay tapos na rin.

Sayang na mga pa-labas, napakarami nilang napasasayang batang Pinoy, bukod sa magaganda na kasi ang mga istoryang pinipili nina Direk Jun Lana at Sir Perci Intalan ay meron pang nakukuhang leksiyon ang mga bata sa LolaBasyang.Com.

Pero masaya ang produksiyon dahil kailan lang ay nakatanggap sila ng sulat-imbitasyon para sa Prix Jeunesse International, ang tinaguriang Oscar’s Of Children’s Television, finalist ang episode na “Ang Plawtin Ni Periking” ng LolaBasyang.Com na ginampanan nina Vin Abrenica at Valeen Montenegro sa pagbibigay ng parangal na gaganapin sa darating na Mayo sa Munich, Germany.

At ang isa pang magandang balita, ang ParangNormal Activity ay magkakaroon pa ng ekstensiyon, patuloy pa ring mapapanood sa TV5 ang pangkabataang palabas pero malilipat nga lang ito tuwing Linggo nang gabi.

Sana nga ay mapasama na rin sa mabibigyan ng ekstensiyon ang LolaBasyang. Com na kinaaaliwan ng mga batang Pinoy.  Maaga silang kumakain tuwing Sabado para lang matutukan ang magandang palabas, kabisado pa hanggang ngayon ng aming mga apo ang unang episode nila tungkol sa alamat ni Maria Makiling, si Jasmine Curtis ang bumida sa sultadang ‘yun na napakahitik sa magagandang visual effects.

Maligayang bati kina Direk Jun Lana at Sir Perci Intalan at sa buong produksiyon ng LolaBasyang.Com at ParangNormal Activity.  Salamat sa pagbibigay ng makabuluhang panoorin para sa mga kabataang Pinoy. Mabuhay kayo!

Read more...