Willie pumirma ng bagong kontrata sa GMA; Wowowin araw-araw na

willie revillame

Bukas, unang araw ng Pebrero, ay magsisimula na ang Wowowin ni Willie Revillame sa kanyang daily schedule. Mula alas singko y medya nang hapon ay araw-araw na ngang mapapanood ngayon ang game show bago mag-24 Oras.

Siyam na buwan munang umere ang Wowowin nang weekly lang, pero dahil sa matinding hiling ng kanyang mga tagasuporta at dahil mataas ang rating ng show at punumpuno pa sa commercials, ginawa na itong araw-araw.

Isang magandang regalo ang pagde-daily na ng Wowowin sa nakaraang kaarawan ng aktor-TV host, mas marami pa siyang mapasasaya ngayon, mas maraming kababayan natin ang mabibigyan niya ng pangkabuhayan showcase.

Nu’ng nakaraang Biyernes ay pumirma siya ng panibagong kontrata sa GMA 7, masayang-masaya si Willie sa pagpapahalagang ibinibigay sa kanya ng bago niyang network, pero mas ikinaliligaya niya na nagkaroon ng trabaho ang kanyang production staff na nakasama niya sa mga panahong wala pa siyang programa.

“Sila ang mga taong kahit wala pa akong show, e, hindi nakalilimot, nandiyan lang sila, palagi kong kasama, wala kang maririnig na kahit ano sa kanila,” masayang pagmamalaki ni Willie.

Markahan natin ang oras, mula alas singko y medya ngayong February 1 ay araw-araw na nating mapapanood ang Wowowin, bigyan ng jacket ‘yan!

Read more...