Paawa ni Vitangcol wa-epek

MARAMI ang tumaas ang kilay matapos hilingin ni dating Metro Rail Transit (MRT) 3 general manager Al Vitangcol III sa Sandiganbayan Third Division na ikuha siya ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO).

Nagpapatatawa man o nagpapaawa si Vitangcol ay walang maniniwala na wala siyang kapasidad na kumuha ng sariling abogado na magrerepresenta sa kanya sa mga kasong kinakaharap dahil sa mga umano’y maanomalyang kontratang pinasok ng MRT3 sa ilalim ng kanyang pamunuan.

Aagawan pa niya ng pagkakataon ang ibang mas deserving na mga kababayan natin na mabigyan ng serbisyo ng PAO.

Kahit pa nga mahihirap na tao ay hindi agad-agad nabibigyan ng pagkakataon na mabigyan ng serbisyo ng PAO dahil ang unang konsiderasyon dito ay kung wala kang kapasidad na kumuha ng mga pribadong abogado na magtatanggol sa iyo.

Tiyak namang hindi pasok si Vitangcol sa kategoryang indigent o walang pambayad para makuha niya ang serbisyo ng PAO.

Imbes na magpaawa, dapat ay ikanta na lamang ni Vitangcol ang iba pang mga opisyal na sangkot sa kontrobersiya.

Hindi rin naman kasi aaprubahan ang mga umano’y kuwestiyonableng mga kontrata sa MRT3 kung walang basbas ng Kalihim ng DOTC.

Sino ba ang nakapirma sa kontrata at iyon ang isa-isa dapat habulin ng gobyerno.

Nauna nang sinabi ni Vitangcol na ginawa siyang sacrificial lamb kaugnay kontrobersiya kaya siya ang kinasuhan.

Kung talagang totoo ang sinabi ni Vitangcol na siya lamang ang idiniin sa mga kaso, bakit di niya pangalanan ang sinasabi niyang talagang utak sa anomalya?

Hindi ba’t nauna nang kinuwestiyon ng ilang mambabatas kung bahit hindi isinama sa mga kinasuhan si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya?

Kung ayaw talagang madiin ni Vitangcol sa kaso, bakit hindi siya magsalita at ikanta ang mga sangkot?

Hanggang ngayon nagdurusa pa rin ang mga pasahero ng MRT sa masamang serbisyo nito.

Mula sa walang sistema sa pagpapapasok sa mga pasahero, mainit na mga tren ng MRT, mga limitadong tren na pumapasada, mga tren na nadidiskaril at kung ano pa na araw-araw ay mararanasan mo dahil sa pangit ng serbisyo ng MRT.

Ikanta mo na lang, Mr. Vitangcol, ang iba pang opisyal na sangkot sa mga umano’y kontrobersiya sa MRT at nang matuwa pa ang mga libu-libong mga pasahero na dismayado sa operasyon ng MRT.

Kapag napagbigyan si Vitangcol sa kanyang kahilingan, tiyak kong maraming aalmang mga mahihirap na hindi makakuha ng serbisyo ng PAO.

Ang kakatwa pa rito, ang gobyerno pa ang magbabayad para ipagtanggol si Vitangcol gayong kinasuhan nga siya dahil sa alegasyon ng paggamit ng posisyon para sa kanyang personal na interes.

Read more...