TATLONG magkakaibang karakter ang gagampanan ni Richard Gutierrez sa pagbabalik ng pinakasikat na komiks character na nilikha ng award-winning director na si Carlo J. Caparas – ang bagong TV version ng Ang Panday.
Mapapanood na ito simula sa Pebrero sa TV5, pagkatapos ng PBA. Makakasama ni Richard sa pagbabalik ng Ang Panday si Jasmine Curtis bilang isa sa kanyang mga leading lady at si Christopher de Leon bilang ang pangunahing kontrabida na si Lizardo.
Sa pocket presscon na ibinigay ng TV5 at Viva Entertainment kay direk Carlo kasama ang kanyang butihing misis na si Donna Villa, ikinuwento ng tinaguriang Hari ng Komiks ang mga magaganap na pagbabago sa muling pag-ere ng Ang Panday.
“Tatlong characters ni Flavio (Richard) ang mapapanood nila ngayon sa Ang Panday. Una yung sa prequel, ito ‘yung ginawa naming back story ni Panday. Isa kasi siyang foundling dito, tapos inampon siya ng pari na siyang nagpalaki sa kanya.
“Mapapanood nila kung paano nagsimula ang kanyang buhay hanggang sa maging Panday na siya at ang pagpapatuloy ng kanyang pakikipaglaban sa makabagong panahon, at iyon ang pangatlong bahagi ng serye, ” simulang kuwento sa press ni direk Carlo.
“Dito rin ipakikita na meron pala siyang kapatid. Nagkahiwalay sila nu’ng mga bata pa, ang nakakuha naman sa kanya mga bad elements kaya eventually, magiging magkalaban sila without knowing na magkapatid pala sila,” pahayag pa ng magaling na nobelista at direktor.
Mismong sina direk Carlo at Boss Vic del Rosario ng Viva ang pumili kay Richard para gumanap na Panday sa pagbabalik nito sa telebisyon sa direksiyon ni Mac Alejandre. Bukod kasi sa sanay na sanay na ito sa mga action-fantasy-adventure series kung saan talaga siya unang sumikat, nananatili pa rin daw ang mass appeal ng aktor na siyang minahal sa kanya ng mga manonood.
Binigyan ng ilang pointers at advice ni direk Carlo si Richard bago ito sumalang sa matitinding bakbakan, “Sabi ko sa kanya, kailangan maging ibang-iba ang atake niya rito dahil siguradong ikukumpara siya sa mga dating Panday, kina Da King FPJ, kay Bong (Revilla) at kay Jericho (Rosales, unang gumanap sa TV series ng ABS-CBN). I told him to modulate his voice, medyo pinaitim din siya rito kaya yung dating niya, pang-matinee idol pa rin, e, pang romcom pa rin. So, sabi ko, bigyan niya ng bagong image si Panday.”
Ayon pa kay direk Carlo, matindi raw ang pinagdaraanang training ni Richard para sa nasabing proyekto, habang nagte-taping daw kasi ang grupo ay hindi tumitigil sa pag-eensayo ang aktor para mas lalong maging makatotohanan ang bawat eksenang ginagawa niya.
“Hirap sila sa shooting, alam n’yo naman pag action-adventure tapos fantasy pa, patayan talaga ‘yan.
Halos wala na talaga silang tulog. Pero ang maipapangako naman namin sa inyo, ng TV5 at ng Viva, isang napakagandang obra na tiyak na ikatutuwa ng mga manonood, lalo na ng mga bata,” pagmamalaki pa ng direktor.
Binitin naman nina direk Carlo at Ms. Donna Villa ang ilang members ng entertainment media na present sa nasabing presscon tungkol sa iba pang detalye ng serye. Pero anila, may isa pa raw magiging leading lady si Richard sa Ang Panday, pero surprise raw ito. Hindi naman kaya ang parner ni Richard na si Sarah Lahbati ang kanilang tinutukoy?
Bukod sa Ang Panday, isa pa sa kailangang abangan ng manonood ay ang TV remake ng classic movie na ring Tasya Fantasya na isinulat din ni direk Carlo na pagbidahan noon ni Kris Aquino.
Malapit na rin itong magsimula sa TV5 starring Shy Carlos and Mark Neumann.