HINILING ng Navy na ibigay sa kostudiya nito si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino kasabay ng paglilipat sa kanya sa Camp Bagong Diwa kahapon.
Ayon kay Navy spokesman Col. Edgard Arevalo, nanganganib ang buhay ni Marcelino kaya kailangan na sa isang pasilidad ng hukbo ito maditine habang iniimbestigahan matapos dakpin sa isa umanong shabu laboratory sa Maynila.
“As a former Director of the Special Enforcement Service [of the Philippine Drug Enforcement Agency] where [he] neutralized criminal syndicates and contributed to the prosecution and conviction of prominent individuals, his life is in peril. To ensure his safety, the Navy leadership finds it appropriate to detain him at a Philippine Navy detention facility,” ani Arevalo.
Bukod dito aniya ay aktibo pa sa serbisyo-militar si Marcelino.
“He is subject to military law. Thus, we need to place him under confinement at our detention facility while facing investigation before a body tasked to determine his liability under the Articles of War,” ani Arevalo.
Nasasaad aniya ito sa Executive Order No. 106, na nagsasabing sinumang tauhan ng Armed Forces na nadakip ng pulisya o iba pang law enforcement agency ay dapat dinadala sa pinakamalapit na tanggapan ng AFP.
Ibinigay ni Arevalo ang pahayag matapos ilipat ng mga tauhan ng PNP Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) si Marcelino sa kostudiya ng Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa.
Sinabi ni Senior Supt. Antonio Gardiola, direktor ng AIDG, na ang paglilipat ay iniutos ni PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez.
Matatandaang dinitine si Marcelino sa Camp Crame matapos madakip ng mga tauhan ng AIDG at PDEA habang kasama ang isang Chinese national sa isa umanong shabu laboratory sa Sta. Cruz, Manila, kung saan may nakuhang aabot sa P320 milyon halaga ng iligal na droga.
Sa kabila ng kahilingan ng Navy, iginiit ni Arevalo na di kinukunsinte ng hukbo ang mga tauhan nitong nakagawa ng mali.
MOST READ
LATEST STORIES