Cogie Domingo handa na uling sumabak sa matinding laban

RIA SACASAS AT COGIE DOMINGO

RIA SACASAS AT COGIE DOMINGO

KASUSULAT lang namin na nakatutok ngayon ang oras ng guwapong aktor na si Cogie Domingo sa mga negosyong itinayo at ipinamahala sa kanya ng kanyang ama.

Pero biglang dumaan sa aming gallery ang magaling na aktor, malapit lang daw kasi ang kanyang taping, kaya du’n muna siya sa Mga Obra Ni Nanay magpapalipas ng oras habang breaktime nila.

Mula sa Lunes, February 1, ay mapapanood na si Cogie sa programang Buena Familia ng GMA 7.

Gaganap siyang rapist ni Kylie Padilla, isang role na gustung-gusto na niyang gampanan nu’n pa, dahil malaking hamon ‘yun para sa kanya.

Ang aming anak-anakang si Noel Ferrer ang tumawag kay Cogie, “Nakahanda ka na ba uli?” Na sinagot naman ng guwapo at magaling na aktor na palagi naman siyang handa sa pag-arte.

Totoo ang kasabihan na kapag naitapak mo na ang isang paa mo sa pag-aartista ay mahihirapan ka nang makabaklas. Kahit nu’ng nasa Amerika si Cogie at abala sa negosyo ng kanyang mga magulang ay nami-miss niya ang pag-aartista.

Maaga siyang dumarating sa set, biro nga namin ay baka nauunahan pa niya ngayon ang generator ng network, tawa lang nang tawa si Cogie Domingo.

Maligaya ang kanyang personal na buhay ngayon dahil sa presensiya ng kanyang girlfriend na si Ria Sacasas. Bagay na bagay sila, isang guwapo at isang maganda, lilingunin mo talaga sila kapag nakasalubong mo.

Sa pagbabakasyon nila sa Boracay kamakailan ay bumili siya ng mga native bracelets. Tatlo ang pinili niya para sa amin. Wala talagang kupas ang pagiging maalalahanin ng mahal naming anak-anakan.

Read more...