Dalawang hinihinalang holdaper ang patay habang isang pulis sugatan nang makabarilan ng mga alagad ng batas ang mga armadong nanloob sa isang bangko sa Sta. Cruz, Laguna, kaninang umaga.
Hinoldap ng aabot sa anim na kalalakihan ang Sta. Cruz branch ng Philippine National Bank (PNB) sa Brgy. Poblacion 1 dakong alas-10:20, sabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.
Agad rumesponde ang mga elemento ng Sta. Cruz Police nang matunugan ang insidente, at nakabarilan ang mga holdaper, aniya.
Dalawa sa mga suspek ang napatay habang isa sa mga rumespondeng pulis ang nasugatan, ani Gaoiran.
Narekober naman sa pinangyarihan ang tatlong baril at di pa mabatid na halaga ng pera.
Kaugnay ng insidente, dinakip ng mga pulis ang dalawang lalaki na nakuhaan ng sari-saring baril, bala, granada, hinihinalang shabu, at pera sa katabing bayan ng Nagcarlan.
Nadakip sina Pablo Javier, 39, ng Commonwealth, Quezon City; at Gerald Mendoza, 28, ng Cagayan de Oro City, sa dragnet operation sa Brgy. Talangan, ani Gaoiran.
Isinagawa ng Nagcarlan Police ang operasyon matapos ipaalam ng Sta. Cruz Police ang naganap na panghoholdap sa bangko, aniya.
Nakuhaan sina Javier at Mendoza ng isang M16 rifle, anim na mahaba at tatlong maigsing magazine nito, tatlong kalibre-.45 pistola, limang magazine ng parehong kalibre, mahigit 200 sari-saring bala, isang granada, dalawang sachet ng hinihinalang shabu, shoulder bag na may pera, dalawang backpack, itim na cap, dalawang susi ng kotse, at isang Toyota Vios (AAP-9437).
Nakaditine ngayon sa Nagcarlan Police Station ang dalawa, na iniimbestigahan para sa “posible” na kinalaman sa panghoholdap sa Sta. Cruz, ani Gaoiran.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y di pa matiyak kung may tangay ding pera ang iba pang holdaper, na tumakas at pinaghahanap pa ng pulisya.