Imbestigahan ang mga duwag na SAF

HANGGANG ngayon, isang taon na ang nakalipas matapos ang masaker ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) sa isang palpak na operasyon, hindi pa rin inaako ni Pangulong Noynoy ang kanyang pagkakamali.

At para aluin ang pa-milya ng napatay na police commandos, ipinag-utos ng pangulo na bahain ang pamilya ng mga nasawi ng mga benepisyo upang lunurin ang kanilang pagdadalamhati.

Parang isang ama na pinalo ang kanyang anak, at nang malaman niya na siya’y nagkamali sa pagparusa sa bata, ay binigyan ng napakaraming kendi na naging dahilan na magselos ang ibang anak.

Mahirap bang sabihin ni PNoy, “I’m sorry” o “nagkamali ako?”

Natatandaan pa ba ninyo ang masaker sa walong turista na taga-Hong Kong sa Luneta noong Aug. 23, 2010 sa mga kamay ng isang dating pulis at mga palpak na mga police rescuers?

Hanggang ngayon ay hindi humihingi ng paumanhin si P-Noynoy sa pamahalaan ng Hong Kong sa palpak na rescue.

Si Manila Mayor Erap pa ang pumunta ng Hong Kong upang humingi ng paumanhin kahit na di pa naman siya mayor ng panahong ‘yun.

Ang isang magaling na lider ay marunong umako ng kanyang pagkakamali.

Mababa ang kategorya ni P-Noynoy bilang isang lider.

Ang masaklap pa nito, karamihan ng mga Pinoy ay hindi nakikita ang pagiging iresponsableng lider ng pangulo at binibigyan siya ng mataas na ratings sa mga surveys.

Daang matuwid? Susmaryosep!

Baka daang matagtag.

Pero parang nag-eenjoy naman ang mga Pinoy sa matagtag na daan.

Hindi ba naisip ng magaling nating pangulo na maraming mga ibang pulis, sundalo ng Army at Marines na napatay sa Mindanao sa kanyang administrasyon na hindi nabigyan ng ganoong karaming benepisyo na binigay sa mga biyuda at ibang kamag-anak ng “SAF 44?”

Nagkamali na si P-Noynoy sa pagpapadala ng SAF sa tiyak na kamatayan sa Mamasapano, inulit pa niya ang pagkakamali sa pamamagitan ng pag-spoiled sa mga pamilya ng nasawi.

Marami silang hinihingi.

Isa sa mga biyuda ng SAF 44 ay binigyan ng P300,000 upang makapagpatayo ng isang Internet café bukod pa sa mga balde-baldeng benepisyo na tinanggap galing sa Philippine National Police (PNP), National Police Commission, Senado, Mababang Kapulungan, Department of Social Welfare and Development, President’s Social Fund, National Housing Authority, Department of Education, Department of Health, Philippine Health Insurance (Philhealth), Commission on Higher Education, iba’t ibang hanay ng civilian sector, at marami pang iba.

Nakalulula ang mga benepisyo.

Ito pa: Ang ina ng isa sa mga nasawi ay humiling at pinagbigyan na ikonkreto ang feeder road sa isang malayong barangay na gumastos ang gobyerno ng P20 milyon upang makumpleto.
T—-! nakakalula ang mga benepisyo!

Ano pa ang hihilingin nila?

Yun bang ibang balo at kamag-anak ng mga pulis at sundalong napatay ng mga rebeldeng Moro at ng mga NPA ay binigyan din ng ganoong karaming benepisyo?

Ngayong naipakita na ng sambayanang Pilipino ang kagitingan ng SAF44, dapat ay tingnan din ang karuwagan ng mga kasamahan nila sa Mamasapano encounter.

Habang kinakatay ang 44 SAF, nakahiga o nakaupo lang sa gilid ng highway ang iba nilang kasamahan.

Alam ba ninyo na lahat-lahat ay 392 miyembro ng SAF ang pinadala sa misyon sa Mamasapano?

Bakit hindi tumulong ang mga ito sa kanilang mga kinakatay na kasama?

Read more...