TORONTO — Umiskor ng Kyle Lowry ng 21 puntos habang si Jonas Valanciunas ay may 20 puntos para sa Toronto Raptors na dinurog ang Los Angeles Clippers, 112-94, kahapon para mahablot ang season-high ikawalong sunod na panalo.
Sina DeMar DeRozan at Terrence Ross ay nag-ambag ng tig-18 puntos para sa Raptors. Si Ross ay tumira ng 5 for 7 mula sa 3-pointers at nagtala ng kabuuang 10 puntos mula sa bench sa ikaapat na diretsong laro.
Si Chris Paul ay gumawa ng 23 puntos at 11 assists para sa Clippers habang si DeAndre Jordan ay nagdagdag ng 15 puntos at 13 rebounds. Si JJ Redick ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Los Angeles.
Tinalo ng Raptors ang Clippers sa ikaapat na sunod na pagkakataon para makumpleto ang ikalawang sunod na season sweep. Ito rin ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa na na-sweep ng Raptors ang dalawang Los Angeles teams sa parehong season. Tinalo rin kasi ng Raptors ang Lakers sa dalawang paghaharap ng koponan ngayong season.
Ang winning streak ng Raptor ay ang ikalawang pinakamahaba sa kasaysayan ng prangkisa, na kapos ng isang laro sa team record na itinala noong 2001-02 season.
Nets 116, Thunder 106
Sa New York, kumana si Brook Lopez ng season-high 31 puntos at humablot ng 10 rebounds para sa Brooklyn Nets na winakasan ang seven-game winning streak ng Oklahoma City Thunder.
Gumawa si Kevin Durant ng 32 puntos, 10 rebounds at pitong assists para sa Oklahoma City na hindi nagawang makalamang sa laro na naantala ng apat na oras dahil sa matinding pag-ulan ng niyebe sa New York.
Si Russell Westbrook ay nagtapos na may 27 puntos, 11 rebounds at pitong assists para sa Thunder na natalo sa ikalimang pagkakataon sa 27 laro.
Celtics 112, 76ers 92
Sa Philadelphia, umiskor sina Jae Crowder at Isaiah Thomas ng tig-20 puntos para sa Boston Celtics na tinambakan ang Philadelphia 76ers.
Si Avery Bradley ay nagdagdag ng 19 puntos habang si Marcus Smart ay nag-ambag ng 16 puntos mula sa bench ng Celtics na nagwagi sa lima sa pitong laro.
Si Robert Covington ay umiskor ng 25 puntos para pamunuan ang Philadelphia.
Rockets 115, Mavericks 104
Sa Houston, nagtala si James Harden ng triple-double sa ginawang 23 puntos, 15 rebounds at 10 assists habang si Trevor Ariza ay umiskor ng season-high 29 puntos para tulungan ang Houston Rockets na patumbahin ang Dallas Mavericks.