Angel, Binoe nabuking ang tunay na relasyon ng 2 PGT contestants

robin padilla

Taob ang mga programang katapat ng Pilipinas Got Talent Season 5 na umere na noong Sabado dahil nakakuha agad ito ng 25.5% kumpara sa Celebrity Bluff na 12.1% sa national ratings game at 24.5% noong Linggo kumpara sa Wanted President na nakakuha ng 12.9%.

Bukambibig din ang PGT5 nitong weekend mula umaga, tanghali at gabi kaya naniniwala kaming maraming nanood dito. Sabi nga nila kung tinutukan ng viewers ang coaches ng The Voice sina Lea Salonga, Bamboo, Apl.de.Ap at Sarah Geronimo dahil sa banter nila at ikalawa lang ang mga contestant, hamig naman ng PGT ang lahat.

Bukod sa kakaibang talents na ipinakita ng contestants ay aabangan mo talaga ang reaksyon ng judges na sina Vice Ganda, Robin Padilla, Angel Locsin at Freddie Garcia lalo na ang mga komento nila.

Sa ikalawang episode palang ng PGT5 ay pinindot na agad ni Robin ang golden buzzer para sa Power Duo na taga-Angono, Rizal na nagpakitang gilas sa kanilang interpretative dance sa awiting “On The Wings Of Love”.

Hmmmm, kumuha kaya ng tip ang Power Duo sa pag-iibigan nina Clark at Lea dahil tunay pala silang nag-iibigan kaya hanep ang performance nila. Hirit nga ni Angel na nahalata agad na may something sa Power Duo, “Akala ko ba magkaibigan lang kayo, bakit magkahawak lagi kamay n’yo?”

Hirit naman ni Robin, “Hindi ninyo ako mabobola, sa tanda kong ito? Hindi ninyo magagawa ‘yan kung hindi ninyo mahal ang isa’t isa.” Inamin naman ng guy na nililigawan niya ang kanyang partner at dito na nagsigawan ang audience sa KIA Theater dahil sa kilig.

Ang saya-saya ng lahat ng audience sa KIA Theater at iisa ang isinisigaw nila, “golden buzzer” kaya pinindot na ito ni Robin at sabay akyat sa stage para batiin ang Power Duo. Sa semi-finals na uli mapapanood ang dalawa.

Samantala, naluha naman si Angel sa napakagandang love story ng Power Duo kaya nang lumabas ang BF nitong si Luis Manzano na host ng programa at tinanong kung bakit ito maluha-luha, hayun, nagpa-cute na lang si Gel. Ha-hahaha!

Read more...