Pag-uwi ni Pia sa Pinas, nag-trending sa social media; muling nayakap ang inang nasa London
NAGING top trending topic kahapon ang #MissUMostBeautiful, ang official hashtag sa pagbabalik sa bansa ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach matapos ang ilang buwang pananatili sa Amerika.
Mainit na mainit ang naging pagtanggap kay Pia ng mga Pinoy na sumalubong sa kanyang sa airport, feel na feel pa rin talaga ng sambayanang Pilipino ang pagbibigay ng karangalan ni Pia sa bansa matapos makoronahan bilang ikatlong Pilipinang Miss Universe.
Sa ginanap na presscon kahapon sa loob ng airport para sa pagbabalik ni Pia, inamin niya na halos hindi siya nakatulog dahil sa sobrang excitement sa kanyang homecoming.
Ngunit aniya, ayaw niya munang magkuwento nang bonggang-bongga dahil, “I want to save my experiences during my press conference tomorrow. It feels that it has been so long, I can’t wait to share my experiences guys with you.
Napakasaya ko po nakauwi na ako ulit dito sa Pilipinas.” Ngayong araw magkakaroon uli siya ng grand presscon na susundan ng kanyang homecoming parade na magsisimula sa Hotel Sofitel sa Pasay City hanggang sa Araneta Center, Cubao, Quezon City. Bukas naman ang courtesy call ni Pia kay Pangulong Noynoy Aquino at sa Senado.
Sa darating na Martes naman magaganap ang kanyang courtesy call sa mga alkalde ng Metro Manila na susundan naman ng isang charity event sa Miyerkules. At sa Thursday, isang engrandeng tribute naman ang ihahandog sa kanya ng Binibining Pilipinas Charities na gaganapin sa Araneta Coliseum.
Sa pagkakaalam namin, may inihahanda ring party ang mga kaibigan niyang beauty queens para sa kanya. Sey ni Pia, super excited na raw siyang makita ang kanyang mga kasamahan sa Binibining Pilipinas dahil miss na miss na niya ang mga ito.
Samantala, nag-trending din sa social media ang isang video kung saan mapapanood ang muling pagkikita ni Pia at ng kanyang inang si Cheryl Alonzo Tyndall na umuwi pa ng Pilipinas mula sa London kung saan na ito naka-base.
Marami ang na-touch sa nasabing video na may caption na: “So happy this moment was captured. There is no better feeling in the world than coming home to family.” Makikita sa video ang unang pagyayakapan uli ng mag-ina mula nang umalis si Pia patungong Amerika para lumaban sa 2015 Miss Universe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

