MAY kinalaman pala sa kontrata ng isang female personality ang dahilan kung bakit biglang nabaligtad ang mundo nang magdenay siya tungkol sa isang importanteng bahagi ng kanyang buhay.
Naloka ang marami dahil mismong mga kaibigan niya ang tumaya para ibalita ang pangyayaring ‘yun sa buhay ng magandang babaeng personalidad pero biglang nabaligtad ang mga ito.
Kaya ang tanungan ngayon ay bakit siya biglang nagdenay, anyare, totoo bang nanguryente lang ang kanyang mga kaibigan?
Kuwento ng isang source, “Naloka talaga ang mga friends niya. Excited pa naman nilang ibinalita ang nangyari, masayang-masaya sila para kay ____ (pangalan ng magandang female personality), pero nabaligtad ang kuwento?
“Ayun, lumalabas tuloy ngayon na kaya kinailangan niyang baligtarin ang kuwento, e, dahil sa kanyang contract. Naka-stipulate pala du’n na hindi siya puwedeng gumawa ng mahalagang hakbang sa buhay niya nang hindi alam ng kakontratahan niya!
“Paano ‘yan, kumalat na ang balita, mismong mga kaibigan pa niya ang naglabas ng mga pictures, tapos ngayon, hindi pala totoo ang senaryong ‘yun?
“Nakakaloka talaga ang mga artista kung minsan. Gagawa sila ng isang decision, tapos, kapag nalagay na sila sa alanganin, e, bigla na lang at basta na lang babawiin ‘yun?” maluka-lukang kuwento ng aming impormante.
Mukhang naging dahilan tuloy ‘yun kung bakit masamang-masama ang loob ng mga kaibigan ng female personality sa kanya, may kuwentong lumalabas na ilang linggo silang hindi nag-usap-usap, dahil lumabas ngang mga sinungaling pala ang mga ito sa balitang inilabas nila.
“Solemn na solemn ang press release ng mga friends niya, pero hindi pala totoo ‘yun? Kuryente lang ang balita nila?” pagtatapos ng aming source.