Pastor sugatan sa pamamaril


Sugatan ang isang pastor nang pagbabarilin ng mga armadong naka-motorsiklo sa kanyang bahay sa Polanco, Zamboanga del Norte, kahapon, dahil umano sa kinasasangkutang away sa lupa ng kanyang simbahan, ayon sa pulisya.

Nagtamo si Rosando Torrino, pastor ng Light World Missionary Center Inc., ng mga tama ng bala sa kaliwang braso at dibdib, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.

Naganap ang pamamaril dakong alas-10:30 ng umaga sa labas ng bahay ni Torrino’s sa Sitio Maralag, Brgy. Guinles.

Sakay si Torrino ng kanyang multicab at papasok na sana ng bahay, nang pagbabarilin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo, ayon sa ulat.

Lumabas ng bahay ang misis niyang si Catherine nang madinig ang mga putok ng baril, at isinugod si Torrino sa isang ospital sa Dipolog City.

Natagpuan naman ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang tatlong basyo at isang slug ng kalibre-.45 pistola. Tumakas umano ang mga salarin patungo sa bayan ng Pinan.

Sa ospital, sinabi ni Torrino sa pulisya na naniniwala siyang nag-ugat ang pamamaril sa agawan sa lupang pag-aari ng kanyang simbahan.

Dalawang kapwa residente ng barangay ang umano’y umaangkin sa lupa at mayroon nang kasong naisampa sa korte para maresolba ang isyu, ayon sa pulisya.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga salarin at sinisilip ang posibilidad na may kaugnayan nga ang land dispute sa pamamaril.

Read more...