KULANG na nga sa tulog, hindi na rin niya napapanood ang kanyang paboritong teleseryeng Pangako Sa ‘Yo at On the Wings of Love.
Ito ang sinabi ni Sandiganbayan Associate Justice Samuel Martires ng Third Division na dumidinig sa P10 bilyong pork barrel scam ni Janet Lim Napoles matapos magreklamo ang abogado nito sa “pahirap” na dinaranas ng kanyang kliyente sa ginagawang maagang hearing ng korte.
Ayon sa abogado ni Napoles na si Stephen David, kailangang umanong gumising ng alas-2 ng madaling araw ni Napoles para lang makadalo sa twice a week na pagdinig ng korte sa kaso nito na nagsimula nitong Miyerkules.
Sinagot naman siya ni Martires: “Do you think we’re enjoying this?”.
Tumagal ang paglilitanya ng mahistrado ng 30 minuto na nauwi pa sa lecture kung bakit ang corruption sa bureaucracy ang nagdala sa marami sa ganitong sitwasyon.
“We’re hearing cases in the morning and afternoon. I also wake up at 4 a.m. to prepare,” pahayag ng mahistrado.
“That’s why I have to sleep early and because of that, I have not been able to watch ‘Pangako Sa ’Yo’ and ‘On The Wings of Love,’” dagdag pa nito na ikinatawa ng mga nasa courtroom.
“That’s why (I’ve managed) to catch only ‘Ang Probinsyano,’” kwento pa ni Martires.
Dahil din umano sa maagang pagdinig kung kayat hindi na siya nakakapag-ehersisyo, dagdag pa ng 67-anyos na justice. Anya ito ay dahil na rin sa 900 graft and corruption cases na hinahawakan ng kanyang sala.
Bukod kay Martires, sina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Associate Justice Sarah Jane Fernandez ang bumubuo ng Third Division ng Sandiganbayan na naka-assign na duminig ng plunder case ni Napoles at 25 counts na graft case ni Senador Juan Ponce Enrile.