NEW YORK — Gumawa si Kevin Love ng 17 puntos at 18 rebounds para sa Cleveland Cavaliers na nakabangon buhat sa nakakahiyang paglalaro kontra Golden State Warriors matapos itala ang 91-78 pagwawagi sa Brooklyn Nets sa kanilang NBA game kahapon.
Si LeBron James ay kumana rin ng 17 puntos at pinahinga kasama ni Love sa ikaapat na yugto ng Cavaliers na haharapin sa kanilang home game ngayon ang Los Angeles Clippers.
Magandang pambawi rin ito ng Cavs matapos na makatikim ng 132-98 pagkatalo sa Warriors sa kanilang NBA Finals rematch noong Martes.
Warriors 125, Bulls 94
Sa Chicago, umiskor si Stephen Curry ng 25 puntos para sa Golden State Warriors na dinurog ang Chicago Bulls.
Tinapatan din ni Curry ang season high niyang 11 assists at humablot ng pitong rebounds.
Si Klay Thompson ay nagdagdag ng 20 puntos habang si Harrison Barnes ay nag-ambag ng 19 puntos para sa defending champions na tinambakan ang Chicago matapos hiyain si LeBron James at ang Cavaliers sa Cleveland noong Martes. Itinaguyod ng Warriors ang malaking kalamangan sa unang yugto at hindi pinahabol ang Bulls matapos nito para umangat sa league-best road record na 20-4.
Si Derrick Rose ay umiskor ng 29 puntos habang si Jimmy Butler ay kumana ng 23 puntos para sa Bulls.
Pistons 123, Rockets 114
Sa Houston, umiskor sina Kentavious Caldwell-Pope at Marcus Morris ng tig-22 puntos para sa Detroit Pistons na pinatumba ang Houston Rockets.
Si Detroit center Andre Drummond ay nagtala naman ng NBA record 23 missed free throws at career high at franchise record 36 free throw attempts.