Reyes galit sa istorya ng PDI

Gigi-Reyes-31-e1405048204281
Hindi naitago ni Atty. Gigi Reyes, dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile, ang kanyang sama ng loob sa lumabas na istorya ng Philippine Daily Inquirer, sister company ng Bandera.
Pababa na ng hagdan si Reyes matapos ang pagdinig ng kanyang kasong plunder sa Sandiganbayan Third Division ng makita nito ang mga reporter na kumukuha ng video.
Bahagyang inikutan nito ang kanyang security escort upang makalapit at sinabi: “Yes I’m here. Take my picture.”
Kahapon ang ikalawang araw ng pagdinig ng plunder case ni Reyes kasama si Janet Lim Napoles, ang umano’y pork barrel scam queen.
Isinama ng mamamahayag na si Marlon Ramos sa kanyang istorya ang suot na Tory Burch shoes at ang gamit na Goyrad bag ni Reyes na nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Lumapit din ang kapatid ni Reyes kay Ramos upang magreklamo.
“Pati ba naman ‘yung bag? Naman. Why did you have to include that in your story? Inquirer ka eh,” saad ng kapatid ni Reyes na hindi nakuha ang pangalan.
Si Reyes ay inakusahan na nakipagsabwatan upang mapunta ang pork barrel fund ni Enrile sa mga non government organization ni Napoles kapalit ang kickback. Si Enrile ay may kinakaharap din na kasong plunder.

Read more...